Abante Tonite Interactive

PBA Finals: Magnolia 2-0 na sa Alaska

483

Finals game 3 sa Linggo (Ynares Center, Antipolo)
6:30 pm – Magnolia vs. Alaska

Muling gumana ang guards ni coach Chito Victolero at naagaw ng Magnolia ang 77-71 panalo kontra Alaska sa Game 2 ng PBA Governors Cup sa Smart Araneta Coliseum Biyernes ng gabi.

Abante na ang Pambansang Manok Hotshots sa best-of-seven series 2-0.

Dadayo ang Game 3 bukas sa Ynares Center sa Antipolo.

Sa pambubulabog ng Hotshots, scoreless ang Aces sa final 4:55 ng laro.

Lumamang ang Alaska 7-4 sa 3-pointer ni Chris Banchero kulang 8 minutes sa first quarter at hawak ang trangko sa hanggang bukana ng fourth.

Nasa unahan ang Aces 41-36 sa halftime, nadikitan 45-44 sa third pero muling umagwat 65-61 papasok ng final period.
Nilista ng Magnolia ang first 5 points ng fourth, huli sa step-back jumper ni Paul Lee para agawin ang manibela 66-65 pero agad binawi ng basket ni Mike Harris.

Binasag ng pabandang floater ni Jio Jalalon ang 71-71 deadlock 2:40 sa laro.

Kabyos ang pilit na drive ni Simon Enciso, nagsalpak pa si Jalalon ng dalawang free throws para ilayo sa 75-71 ang Hotshots sa final 15 se­conds.

Nawala sa Alaska ang bola at tinuldukan ng two-handed jam na may kasama pang lambitin sa rim ni Rafi Reavis ang panalo.

Tumapos si Romeo Travis ng 24 points at 9 rebounds bagama’t inari ang 7 sa 22 turnovers ng Magnolia.

Si Ian Sangalang lang ang isa pang player ng Hotshots na naka-double digits sa isinumiteng 11.

May 18 points at 8 rebounds si Harris pero may 7 turnovers din sa Aces.