Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PCG, Navy nalusutan ng oil exploration device sa Scarborough Shoal

0 31

Iimbestigahan ng gobyerno kung paano nagkaroon ng seismometer na ginagamit umano sa oil exploration sa bahagi ng Scarborough Shoal.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na nais malaman ng Palasyo kung mayroong tumutuklas ng langis sa ilalim ng karagatang sakop ng Pilipinas nang hindi nalalaman ng gobyerno.

Sa pagkakaalam aniya ng Palasyo ay mahigpit na binabantayan ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy ang mga barkong naglalayag sa bahagi ng Scarborough Shoal.

“Mag-iimbestiga talaga tayo kung bakit nakita iyong ganyang equipment. Pero alam ninyo po without the boat, hindi po magagamit diyan iyang equipment na iyan, so ang tinitingnan natin ay kung mayroon talagang mga barko na naglalayag diyan for the purpose of oil exploration,” ani Roque.

Tumanggi naman munang magkomento ang kalihim sa ulat na ang nakitang instrumento ay may mga nakasulat umano na Chinese characters.

“Wala po kaming official reaction diyan because it is based on speculation,” dagdag ni Roque. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.