Abante Tonite Interactive

PCG report sa Recto Bank, pinalalantad

0 279

Dapat isapubliko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang report nito ukol sa Recto Bank incident o ang pagbangga ng isang Chinese vessel sa bangka ng mangingisdang Pinoy sa West Philippine Sea noong Hunyo.

Paliwanag ni Senator Sherwin Gatchalian, tatanggalin nito ang espekulasyon ng publiko at maipapakita ng pamahalaan na kumikilos ito at may nangyayaring im­bestigasyon upang makamit ang hustisya.

“The fact is very clear, iniwan sila na halos mamatay sa laot at ‘di sila tinulungan ng na­kabangga at ‘di rin nagtangkang tulungan sila,” sabi ni Gatchalian.

Maaari aniyang gamitin ang PCG report bilang basehan sa pagsasampa ng kaso sa mga bumangga sa 22 tripulante ng F/B Gem-Ver 1.

Pangamba ni Sen. Gatchalian, posibleng mabalewala at magpaulit-ulit ang insidente kung hindi paiiralin ng gobyerno ang ‘accountability’ sa pamamagitan ng pagsasampa ng kaso sa korte dahil nangyari ito sa karagatang sakop ng teritoryo ng Pilipinas.

Nanawagan pa ang senador na ma­ging ‘transparent’ ang anumang usapan sa pagitan ng gobyerno ng Pilipinas at China patungkol sa West Philippine Sea.
“Itong verbal agreement importante iklaro ito at magkaroon ng usapan paano i-enforce, kailangan ba ng treaty at dapat ibalik sa Senado para aprubahan. ‘Di klaro kung ito ay parte ba ng malaking agreement sa China,” ani Gatchalian.

Kinumpirma ng senador na puwedeng maging parte ng pag-uusap sa 18th Congress ang insidente sa kagustuhang malaman ang detalye ng nilalaman ng kasunduan. (Shane Juan)