Abante Tonite Interactive

PCOO kay Mocha, iba pa: Mag-behave sa social media

By
468

Naglabas ng memorandum ang Presidential Communications Ope­r­a­tions Office (PCOO) para sa kanilang mga opis­yal at kawani na maging mai­ngat sa mga inilalabas na post sa social media lalo na kung may kinalaman sa gender issue.

Batay sa memo na inis­yu ni PCOO Undersecretary for New Media and External Affairs Lorraine Badoy na siya ring chairperson ng Gender and Development, ipinaalala nito ang mga tungkulin at responsibilidad ng mga lingkod bayan.

Ipinaalala ni Badoy sa mga PCOO official at employee ang Republic Act no. 6731 na nag-aatas na kailangang maipakita ang pinakamataas na antas ng propesyunalismo.

Bilang mga public servant, kailangang hindi magkaroon ng maling persepsiyon ang publiko sa mga taga-gobyerno.

Sinabi ni Badoy na ma­halaga ang kanilang papel sa public awareness at public opinion kaya dapat lang na maging responsable sa ano mang inilalagay sa social media at sa publiko na may kinalaman sa kababaihan.

Matatandaang na­ging kontrobersiyal ang video na inilabas ni PCOO assistant Secretary Mocha Uson at isang blogger matapos umani ng negatibong reaksiyon ang jingle ng federalis­mo na gina­wang ‘pepe dede ralismo’.