PCOO namumurong ipabuwag dahil sa ‘Winston’ blunder
Ipinahiwatig ni Senador Win Gatchalian ang posibleng pagbuwag ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) dahil sa serye ng mga kapalpakan ng ahensiya.
Sinabi ito ni Gatchalian matapos itong mabiktima ng pagkakamali ng PCOO nang tawagin siyang ‘Sen. Winston Gatchalian’ sa isang press statement ng ahensiya.
Ayon sa senador, isasailalim niya sa masusing pagtatanong sa Senado ang PCOO sa panahon ng pagtalakay sa panukalang General Appropriations Act para sa taong 2019.

Ito ay upang pagpaliwanagin sa mga kapalpakang nangyari sa tanggapan at kung ano ang mga ipinatutupad nilang reporma kasunod ng mga pagkakamaling ginawa nito.
Naniniwala si Gatchalian na matututo na ang PCOO sa sunod-sunod nilang pagkakamali at magpapatupad ng mga pagbabago sa kanilang sistema.
Gayunman, kung magkakaroon aniya ng panibagong blunder ang tanggapan ay maaaring pag-isipan ng mga senador kung nararapat sa kanila ang hinihinging pondo o bumuo na lamang ng panibagong tanggapan.
“I think kung may mangyari na namang mistake, they will have to justify their budget to the last centavo because in my own opinion it’s not worth giving them P1.3B anymore if they commit the same mistake over and over again,” babala ni Gatchalian.
“Puwedeng mabawasan or maybe it’s time to create another office, it can be possible,” diin ng senador.