Abante Tonite Interactive

PDEA Agent nagbenta ng shabu, arestado

By
510

Sa halip na lipulin ang mga gumagamit at nagtutulak ng iligal na droga, isang aktibong operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nasakote ng mga awtoridad habang nagbebenta ng shabu sa Quezon City kasama ang isang babae kahapon ng umaga.

Iniharap kahapon sa media nina National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar at Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang PDEA agent na kinila­lang si Mario Luisito David Israel, 42-­anyos, at ang kasamang babae nito na si Cynthia Eusebio, 48-anyos, parehong residente ng Block 23 Lot 6, Garden Villas, Sta. Rosa, Laguna.

Napag-alaman na dakong alas-5:30 ng umaga nang maaresto ang dalawa sa Banawe Street corner Del Monte ­Avenue, sakop ng Brgy. Siena.

Isa umanong confidential informant ang tumawag sa tanggapan ng La Loma Police Station 1 na pinamumunuan ni Supt. Robert Sales at isinumbong ang nagaganap na transaksiyon ng iligal na droga sa nasabing lugar.

Agad na rumesponde ang mga pulis sa lugar at doon nila dinatnan ang dalawang suspek kaya sinita at kinapkapan ang mga ito.

Nahulihan sila ng limang sachet ng shabu, isang baril na Glock 19 pistol at kinumpiska rin ang kanilang sasak­yan na isang Mitsubishi Lancer na may plakang UPJ UPJ-337.

Saka pa lamang umano nalaman ng mga ope­ratiba ng pulisya na isang aktibong PDEA agent ang suspek na si Israel nang isailalim na ito sa masusing imbestigasyon.

Nabatid na naka­talaga diumano si ­Israel sa Region 4-A o ­Calabarzon.

Kasalukuyan nang nakakulong sa detention cell ng La Loma Police Station 1 ang dalawang suspek habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearm laban sa kanila.