Abante Tonite Interactive

PDEA chief sa P6.8B shabu: ‘Di nagsisinungaling ang aso

By
862

Nanindigan si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) chief Director General Aaron Aquino na ginamit ang apat na magnetic lifters na nakita sa warehouse sa General Mariano ­Alvarez (GMA), Cavite noong Agosto 10, para makapuslit ang tinatayang isang tonelada ng shabu sa bansa na nagkakahalaga ng halos pitong bilyong piso.

Sinabi ni Aquino na hindi siya magkakamali sa kanyang findings dahil ang basehan niya dito ay nang upuan ito ng walong beses ng multi-awarded K-9 dog ng PDEA na si ‘Odell.’

“Dog’s don’t lie,” diin ng PDEA chief sa isang interview ng himpilang DWIZ.

“Odell is a Belgian Malinois he has been multi-awarded K9 ang dami na nitong accomplishments nung nasa NAIA pa siya.

Si Odell umano ang siyang nakakahuli sa mga drogang ipinupuslit sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kaya ito ang ipinadala nila sa Cavite nang makita ang apat na magnetic lifter doon.

Aniya, 10,000 beses na malakas ang pang-amoy ng aso kumpara sa tao kaya’t kahit ibinalot sa vacuum packaging ang shabu, nilagyan ng panibagong plastic, aluminum foil at asbestos fiber ay maaamoy pa rin ng aso na nilagyan ng shabu ang magnetic lifter.

Naging circumstantial evidence din ang dalawang magnetic lif­ter na nakita sa Manila International Container Teminal (MICT) noong Agosto 7 na naglalaman ng higit sa 500 kilo ng shabu. Ang naturang magnetic lifter ay idedeliver din sana sa warehouse sa GMA, Cavite.

Hinggil naman sa pagnegatibo sa ‘swab test’ na isinagawa ng forensic chemist ng Phi­lippine National Police (PNP) at PDEA sa nakitang magnetic lifter sa GMA, sinabi ni Aquino na nagnegatibo din ang swab test sa mga nakitang magnetic lifter sa MICT, pero nang butasin ang laman ng bakal ay doon nakita ang mga shabu.

Sa ngayon ay nagsasagawa ng follow-up operation ang PDEA para mahuli ang nagpuslit ng iligal na droga sa Cavite.

“Medyo confidential lang but we are still positive na it will be a positive operation,” sambit ni Aquino.