Abante Tonite Interactive

PDEA employee tulak ng droga

By
238

Buking ang isang empleyado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagbebenta ng iligal na droga makaraang maaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Tacloban City.

Kinilala ni PDEA Director, Ge­neral Aaron Aquino ang naaresto na si Brian Refuerzo Muldez, 36-anyos, administrative aide ng PDEA Region 8 at residente ng V@G Subd. ng nasabing lalawigan.

Sa ipinadalang press statement kahapon ng PDEA, nakatanggap umano ng impormasyon ang mga operatiba ng Tacloban City Anti-Drug Enforcement Unit kaugnay sa pagtutulak ng shabu ng suspek.

Agad na nagsagawa ng surveillance ang Tacloban PNP at nang makumpirma ang pagtutulak ng suspek ay agad silang nakipagkoordinasyon sa mga operatiba ng PDEA Region 8 sa pamumuno ni Director Edgar Jubay at ikinasang pagsalakay dakong alas-4:28 nang hapon noong Seteymbre 4 sa Brgy. 81, Marasbaras, at naaresto ang suspek.

Pitong plastic sachet ng shabu na tumitimbang ng 1.0 gramo at nagkakahalaga ng P6,800 ang nakumpiska kay Muldez.
Ang suspek ay kasalukuyang nakapiit sa PDEA Region 8 habang inihahanda ang kaso.