Abante Tonite Interactive

PDEA hinamon: High value target sa media pangalanan

180

Hinamon ngayon ng National Press Club (NPC) ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na pangalanan na ang mga miyembro ng media na umano’y ‘high value target’ sa kampanya laban sa iligal na droga.

Nauna nang sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na pasok bilang high value target sa war on drugs ang ilang taga-media, artista, mga kongresista.

Ayon kay Rolly Gonzalo, presidente ng NPC, dapat pangalanan ng PDEA ang mga mamamahayag na kasama sa listahan ng high value targets sa lalong madaling panahon para hindi madamay ang buong asosasyon ng mga mamahayag.

Giit ni Gonzalo, kung patuloy na hindi tutukuyin ng PDEA ang mga media na umano’y kabilang sa listahan, halos lahat ng mga mamamahayag ay puwedeng ituring na suspek.

Nangako naman si Gonzalo na tatanggalin ng NPC ang sinumang miyembro nila na sangkot sa iligal na droga.

Mahalaga aniya na malinis ang hanay ng media, hindi lamang sa NPC, kundi sa iba pang mga media company.

Nagsasagawa rin aniya ang NPC ng random drug testing sa kanilang mga miyembro upang matiyak na drug-free ang kanilang organisasyon. (Riz Dominguez)