Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PDEA: Mga narco-politiko burado sa 2022 election

0 145

Buburahin ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga narco-politicians na sangkot sa transakyon ng iligal na droga upang hindi na ito maging issue sa 2022 national elections.

Ayon kay PDEA Director General Wilkens Villanueva, sa ngayon ay patuloy pa rin ang kanilang ginagawang beripikasyon para sa mga narco-politicians upang hindi na makatakbo sa susunod na eleksyon.

“We are working on regional adjudication system, kaming lahat ng intelligence committee down to regional level para mag-adjudicate sila nung lahat ng persons na nakalagay sa listahan so that even before elections, ma-validate silang lahat at hindi na maging issue sa elections,” pahayag ni Villanueva nitong Biyernes sa isinagawang Real Numbers PH press conference.

Ang pahayag ni Villanueva ay bilang sagot sa tanong mula sa isang reporter kung ano na ang ginagawang monitoring ng PDEA sa mga pulitikong kabilang sa “narcolist” na plano na namang tumakbo sa 2022 election.

Inamin naman ni Villanueva na sa ngayon ay marami pa ring nakaupong mga elected officials ang sangkot sa bentahan ng iligal na droga subalit hindi na niya pinalawig pa kung sino sino at kung ilan ang eksaktong bilang ng mga ito.

Matatandaang nitong Mayo 2019 ay isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangalan ng 46 na politiko na sangkot sa transaksyon ng iligal na droga.

Ilan sa mga ito ay pinasinungalingan ang akusasyon habang ang ilan ay naaresto o napatay na sa operasyon ng awtoridad. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.