Abante Tonite Interactive

PDEA nabukulan, 7B shabu naipuslit

By
681

Apat na electromagnetic cylinder na pinag­lagyan ng tinatayang P7M halaga ng shabu ang narekober ng Phi­lippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at lokal na pulisya sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez sa Cavite kahapon nang umaga.

Sa panayam ng Abante kay GMA Municipal Police Station Chief PCInsp. Romulo dela Rea, nabatid na personal na nagtungo sa himpilan ang may-ari ng warehouse na nirentahan umano ng Red Day Machinery ng Chinese national na si Hsu Chung Chun noong May 12, 2018.

Isang porklift ope­rator sa warehouse ang nakapansin na ang mga kulay orange na cylindrical metal drum ay kapareho ng mga nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) noong nakalipas na araw lamang na naglalaman ng shabu.

Sa kuha ng closed circuit television (CCTV) camera noong July 14, makikita ang lalaking sakay ng motorsiklo na may kausap sa cellphone, kasunod niya ang container van na may ‘Evergreen’ body marking, na naglalaman ng mga cylinder na may shabu.

Nauna rito, July 13 nang mahagip rin sa CCTV ang pagdating sa warehouse ng isang Ford Everest at isang Honda car na nagla­laman umano ng 17 empty traveller’s bag na ibinaba sa warehouse.

Hinala ng pulisya, inilipat sa mga tra­veller’s bag ang mga lamang shabu ng apat na cylinder, na inilabas sa warehouse noong July 15 sakay ng da­lawang SUV na Ford Expedition at Toyota RAV 4, na nahagip rin ng CCTV camera kaya nang beripikahin ng PDEA, Scene of the Crime Operatives (SOCO) at (BOC) ang mga cylinder sa warehouse kahapon ng madaling-araw, biyak na ang mga ito at wala nang laman.

Tinatayang nasa isang tonelada ang naipuslit na shabu pa­labas ng warehouse at ngayon ay nasa merkado.