Abante Tonite Interactive

PDEA, PNP nalusutan ng drug syndicate at mga buwaya sa BOC

By
575

Tiyak na piyesta na naman ang mga drug addict at mga drug pusher makaraang makapuslit ang isang tonelada ng shabu papasok sa bansa mula sa bansang Taiwan.

Sa kabila ng paghihigpit ng mga law enforcement agency ay nagawang makapasok sa bansa nang walang kahirap-hirap ang isang toneladang shabu na nagkakahalaga ng P6.8 billion.

Unang may problema dito ang Bureau of Customs (BOC) dahil hindi man lang nahagip ng high tech X-ray machine nila ang iligal na droga na nakalagay sa apat na magnetic lifter.

Natagpuan ang mga magnetic lifter na wala nang laman sa Gene­ral Mariano Alvarez (GMA), Cavite.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakapuslit sa BOC ang malalaking bulto ng shabu dahil nangyari na ito noong 2016 at sa kabila ng balasahan at pagsibak sa mga opisyal sa BOC ay mayroon pa ring natirang mga tiwaling tauhan at opisyal na sanay sa ganitong lakaran.

Ayon kay Philippine Drug Enforcement Agency Director Gene­ral Aaron Aquino, iniimbestigahan na nila ang mga taong magkakasabwat sa pagpuslit ng shabu sa bansa kaya asahang maraming masisibak sa trabaho sa sandaling matapos ang imbestigasyon.

Naniniwala si Aquino­ na nasa mga lansangan na ang naipuslit na tonelada ng shabu kaya tiyak na darami na naman ang mga malululong sa shabu.

Bagama’t tuloy-tuloy ang anti-drug war ng pamahalaan, panibagong batch na naman ng mga ba­ngengeng Pinoy ang kanilang haharapin dahil sa naipuslit na isang toneladang shabu.

Sana lang matukoy ng PDEA at Philippine National Police (PNP) ang mga nagsabwatan sa Bureau of Customs sa naipuslit na kontrabando.

Ipinagmamalaki pa naman ni Pangulong Rodrigo Duterte na magaling at honest ang kanyang piniling BOC chief na si Isidro Lapeña pero sadyang matinik ang mga tao sa Aduana.

Sana lang kapag nahuli ang mga nagpalusot sa isang toneladang shabu ay huwag nang ikulong at kalimutan na ang due process, bagkus ay i-firing squad ang mga ito o kaya ay sagasaan ng pison sa Manila International Container Port.

Isama na ang mga Chinese na kasabwat ng mga ito mula sa Golden Triangle International drug syndicate kapag nahuli, lalo na ang lider nito na si Chao Yue Wah alyas KC Chan, Tony Chan at Albert Chan. Baka nasa isa sa mga condominium lang sa Binondo ang kumag na Intsik.