Abante Tonite Interactive

PDEA, PNP walang datos na pugad ng shabu ang Naga City — VP Leni

By ,
712

Walang datos ang Philippine Drug ­Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) na magpapatunay sa paratang ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘hotbed ng shabu’ ang Naga City, ayon kay Vice-President Leni Robredo.

Sa katunayan, hindi man lang nakasama sa listahan ng TOP 10 ang Naga na may pinakamalalang problema ng droga.

“Pinahanap ko lahat na datos kung iyong Naga isa talaga sa may pinakamalalang problema sa shabu. Wala akong mahanap. Tinitingnan ko iyong mga nakalista na top 10; wala naman doon iyong aming lungsod. Pag-uwi ko pinatanong ko sa PDEA sa amin, pinatanong ko sa PNP sa amin—lahat nagsasabi na hindi iyon totoo,” ayon kay Robredo.

Nauna rito ay nag­labas ng resolusyon ang Naga City Council upang kondenahin ang pahayag ni Pangulong Duterte na pugad ng shabu ang kanilang siyudad.

Hinamon ng Malacañang ang mga opisyal ng Naga City na patunayang hindi pugad ng shabu ang kanilang lugar.

“Kung sa tingin nila mali ang Presidente, hindi hotbed of shabu ang Naga, patunayan nila. Labanan nila yung mga nagbebenta ng droga sa Naga. Patunayan nila na shabu free ang kanilang bayan,” ani Presidential Spokesman Harry Roque.

“Yung mga taong gobyerno should not be onion skinned. Kung talagang hindi siya hotbed for shabu eh di hindi hotbed sa shabu dapat hindi sila masyadong masaktan dahil alam nila ang katotohanan. Baka naman bato bato sa langit, ang tamaan huwag magalit,” dagdag pa ni Roque. (Eralyn Prado/Aileen Taliping)