Abante Tonite Interactive

‘Peace spoiler’

261

Sa biglaang ‘press conference’ na ipinatawag ni PDU30 noong nakaraang Martes nang gabi, maliban sa isyu ng kalusugan, tinalakay ng Presidente ang usapin ng walang humpay na pagsirit sa presyo ng produktong petrolyo.

Sinabi ng Pangulo na talagang ‘hostage’ ang Pilipinas kapag tumaas ang halaga ng langis lahat apektado.

Mabigat ng pasanin ang walang humpay na pagtaas ng produktong petrolyo. Ang lubusang apektado ay ang mga mahihirap, mga ordinaryong manggagawa at mga walang trabaho. Maging ang mga nasa itaas na lipunan ay nagrereklamo na rin dahil ang kanilang mga kasambahay ay nanghihiram na o kaya naman ay ‘ina-advance’ na ang sahod para maipadala sa mga pamilya na naghihintay ng suporta.

***

Marahil napapanahon ng isulong at ipatupad ang ‘joint exploration’ ng langis sa West Philippines Sea/South China Sea (WPS/SCS) sa pagitan ng Pilipinas at China.

Kung may makukuhang langis malaking tulong ito para mapunan ang ‘oil reserve’ ng bansa. Malaking bagay para hindi tumaas ang halaga produktong petrolyo kahit na magkaroon ng ‘adjustment’ sa presyuhan sa pangdaigang-pamilihan.

Malaking bagay ang pagkakaroon ng ‘oil reserve’. Dahil ang re­serba ay hindi na bibilhin ng ‘dolyar’ at hindi na rin mamamanipula ng mga ‘market pla­yer’. Malaking katipiran para sa gobyerno.

Wala nang lalabas na ‘hard currency’ para ibili ng ‘petrolyo’ na minaniobra ng pandaidigang merkado.

Sa pagbisita sa Pilipinas ni Chinese President Xi Jinping sa susunod na buwan ng Nobyemre, inaasahan na malalagdaan na ang mga dokumento para sa ‘joint oil exploration’ ng dalawang bansa.

***

Resulta ng ‘joint oil exploration’ sa pagitan ng Pilipinas at China, asahan na ang pagkakaroon ng mga negatibong komento lalo na mula sa mga bansang may interes sa rehiyon tulad ng Estados Unidos at mga kaalyado.

Hindi malayong may manabotahe huwag lang matuloy ang ‘proyekto’. Kamakailan lamang halos magpang-abot ang dala­wang barkong pangdigma ng Estados Unidos at China at ito’y nangyari sa WPS/SCS.

Mabuti na lamang at walang nangyaring masama, pero ang insidente ay malamang pagmulan ng mitsa para magkaroon ng tensiyon sa rehiyon sa panahon na malaki na ang nakamit ng paguusap ng mga bansang kasapi ng ASEAN at China kaugnay sa ‘Code of Conduct’ sa WPS/SCS.

Huwag sanang manaig ang mga ‘peace spoiler.’