Abante Tonite Interactive

Pedicab driver, 4-anyos inararo ng kotse, patay

By
2,317

Nasawi ang isang pedicab driver at isang 4-anyos na batang babae habang dalawa pa ang sugatan makaraang masagasaan ng dalawang sasakyan sa magkahiwalay na aksidente sa Las Piñas at Parañaque City kahapon ng madaling-araw.

Hindi na umabot ng buhay sa Las Piñas District Hospital sanhi ng matinding pinsala sa kanyang ulo at katawan ang tricycle driver na si Rosario Castro, nasa hustong gulang.

Binangga ng humaharurot na kotse si Castro dakong alas-3:30 ng madaling-araw sa harapan ng Arco Building sa Marcos Alvarez Road, Brgy. Talon 5, Las Piñas habang nagmamaneho ito ng kanyang pedicab.

Tumilapon pa ang biktima habang tumakas naman ang kotseng nakabangga sa kanya.

Samantala, dead on arrival din sa Ospital ng Parañaque sanhi ng matinding pinsala sa katawan ang 4-anyos na biktimang si Princess Merrielyn Marcelo habang patuloy namang ginagamot ang dalawang sugatan na sina Nickie Josh Orosco, 8-anyos, at Jowena Siguisabal, 28, pawang residente ng Interior Pelaez St., Brgy. San Dioniso sa nasabing lungsod.

Nasagasaan sila ng Mitsubishi Lancer na minamaneho ni Abraham Tria, dakong alas-otso ng gabi habang naglalakad sa Quirino Avenue ng nabanggit na barangay.

Rumesponde sa insidente ang rescue team at dinala ang tatlong biktima sa Ospital ng Parañaque subalit hindi na rin umabot ng buhay ang batang si Princess.

Samantala, dinala ang nakasagasang drayber ng Mitsubishi Lancer na si Tria sa Las Piñas Traffic Bureau upang masampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide at physical injury. (Armida Rico)