Abante Tonite Interactive

Pedicab driver natodas sa tractor head

By
333

Isang 56-anyos na pedicab driver ang nasawi nang makaladkad at pumailalim pa sa tractor head, kahapon nang madaling-araw sa Navotas City.

Nakilala ang biktima na si Romeo Sogale, taga-Brgy. Sipac, Navotas.

Ayon sa Navotas Police Station, nangyari ang sakuna dakong alas-4:40 nang madaling-araw sa kahabaan ng C-3 Road sa Brgy. North Bay Boulevard South kung saan ay sakay ng pinapasadang pedicab ang biktima nang bigla na lamang ito sinalpok ng humaharurot na tractor head.

Sa lakas ng pagkakasalpok sa biktima ay nakaladkad ito at ang kanyang pedicab at pumailalim sa tractor head.
Nagtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ang biktima na ikinamatay agad nito.

Sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang drayber ng tractor na kinilalang si Brendo Gonzales, 32-anyos at taga-Tondo, Maynila.