Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pedicab inihian, matandang drayber binoga

0 197

Patay ang isang 63-anyos na lalaki matapos barilin ng kasama ng kanyang na­kaalitan na umihi sa minamaneho niyang pedicab, Lunes ng gabi, sa Malate, Maynila.

Nasawi habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang biktimang si Danilo Fajardo Florida, taga-Arellano St., Malate, na nasawi dahil sa dalawang tama ng bala sa katawan.

Habang tumakas sakay ng kani-kanilang bisikleta ang suspek, na unang nakaalitan ng biktima at nakasuot ng kulay asul na t-shirt at itim na pantalon; at ang kasamahan ng suspek na inilarawan na na­kasuot ng puting t-shirt, itim na pantalon, at may sling bag.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente alas-8:00 ng gabi, kamakalawa, sa Dominga St. cor P. Ocampo St., Malate.

Sa imbestigasyon, una umanong nagtalo ang suspek at biktima matapos na ihian ng nauna ang pedicab ng huli. Nakita umanong may hawak na patalim ang nauna pero naawat naman ang dalawa.

Gayunman, nagbanta ang suspek na babalikan ang lolo.

Ilang minuto pa ang nakalipas ay bumalik ang suspek na may kasama at nang makita si Florida ay dalawang ulit na binaril bago tumakas sakay ng tig-isang bisikleta.

Isinugod sa pagamutan ang biktima pero hindi na naisalba ng mga doktor. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.