Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pekeng COVID bakuna talamak online

0 340

Ni: Nancy Carvajal

Nag-isyu ang International Police (Interpol) ng global alert laban sa mga pekeng COVID-19 vaccine na binebenta online, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).

Gayunman, sinabi ng NBI na hindi pa nakarating sa bansa ang mga pekeng bakuna.

Ayon kay NBI-Interpol head agent Rinald Aguto, batid ng kanyang team ang global alert at kanila nang minamatyagan ang mga kaganapan sa bansa kasunod ng mga insidente ng isinagawang pag-aresto at pagsamsam ng mga pekeng COVID-19 vaccine sa China at South Africa.

“We were informed about the existence of fake COVID vaccines, but we are still validating its presence here, but it’s unlikely these fake brands will thrive here, because the inoculation is a government project, and as far as we know, purchases has to be approved by the Department of Health,” sabi ni Aguto sa panayam sa telepono.

Alam din aniya ng publiko na libre ang bakuna laban sa COVID-19 na ipagkakaloob ng mga local government unit sa mga tao.

Sa kabila nito, nagbabala pa rin si Aguto na tanging ang mga authorized representative lamang ng Department of Health (DOH) ang makakabili at puwedeng mag-distribute at magturok ng lehitimong bakuna sa COVID-19.

“We urge the public, not to buy alleged COVID vaccines online, in most probability its fake and very dangerous to your health,” babala pa ni Agusto.

Nag-isyu ng global alert ang Interpol matapos ang pagkakaaresto ng mga suspek at pagkakasamsam ng mga pekeng bakuna na binebenta sa China at South Africa.

“Anyone ordering a vaccine online rather than obtaining it from their national provider, will be buying a fake product,” ayon kay Interpol Secretary General Jürgen Stock sa pahayag na naka-post sa kanilang website kamakailan.
Dahil sa mga ganitong uri ng ‘cyber-enabled fraud and financial crime’ ay binuo ng Interpol ang Global Financial Crime Task Force noong 2022 kasama ang mga miyembrong bansa para palakasin ang pagtutulungan ng public at private sector partners.

Base sa Interpol record, mga pekeng bakuna ang usong scam ngayon ng mga international criminal.
“From the very beginning of the pandemic, criminals have preyed on people’s fears in order to make fast cash. Fake vaccines are the latest in these scams, which is why Interpol and HSI (United States Homeland Security Investigations) are warning the public to be extra vigilant,” pahayag pa ng Interpol.

Dahil gumagawa, nagdi-distribute at nagbebenta na rin umano ng mga pekeng bakuna ang mga criminal group, nanganganib ang publiko na makabili ng mga ganitong produkto na bukod sa hindi naman makagagamot laban sa COVID-19 ay maaari rin magdulot ng panganib sa kalusugan kapag nainom o tinurok sa tao, ayon pa sa Interpol.

“The networks behind these crimes have global ambitions. No country or region can fight this type of crime alone. Interpol is assisting law enforcement around the world to both identify criminal networks and to dismantle them,” sabi ni Secretary General Stock.

May mga natatanggap din umanong impormasyon ang Interpol hinggil sa distribution ng mga pekeng bakuna na ang target ay mga ahensiya sa kalusugan, kabilang ang mga nursing home.

“Counterfeit vaccines threaten the health of consumers who are duped by nefarious actors seeking to exploit the pandemic situation for financial gain,” ayon sa Interpol.

Nakita rin umano ng Interpol ang trend ngayon kung saan ay nagtatayo ng iligal na website ang mga cybercriminal para magmukhang lehitimong national o world organization na nag-aalok sa mga nais bumili ng bakuna kontra COVID-19.
Nag-aalok pa umano ang mga iligal na website na puwedeng magbayad sa pamamagitan ng Bitcoin at iba pang payment processing method.

Gamit ang mga trademark logo ng mga pangunahing pharmaceutical company na gumagawa ng COVID-19 vaccine, hinihinalang ginagamit din ng mga sindikato ang pekeng website para magsagawa ng ‘phishing attack’ o lokohin ang mga biktima para magbigay sa mga charitable donation.

Bukod umano sa posibleng ma-cyberattack ang computer kapag bumili ng mga pekeng COVID-19 vaccine online ay delikado rin ang publiko sa identity theft.

Nabatid pa na noong Disyembre 2020 ay sinamsam ng Homeland Security ang dalawang website na pinalalabas na ginagamit ng mga biotechnology company sa paggawa ng gamot laban sa COVID-19. Lumalabas umano na ginagamit ito sa pagkolekta ng mga personal information ng mga taong bumibisita sa kanilang website para magamit naman sa criminal activity kabilang na ang phishing attack at pagpapakalat ng malware.

Mayroon din umanong mga nangyayaring ransomware attack sa mga ospital, laboratoryo, local government at iba pang target kung saan ay bina-block ang computer system at humihingi ang sindikato ng kabayaran para alisin ito.

Leave A Reply

Your email address will not be published.