Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pekeng immunity

0 47

“They keep on threathening me with lawsuits and everything, Trillanes and itong si Carpio, panay ang takot sa akin na ma-demanda ako. Sabi ng batas, na kung presidente ka o bise presidente ka, may immunity ka. E di tatakbo na lang ako ng bise presidente.”

Ganyan ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtitipon ng mga taga-suporta niya sa PDP-Laban nitong nakaraang Sabado. Kanayang isinantabi ang anumang pagpapanggap hinggil sa kanyang motibo para sa pagtakbo. Wala na ang mga naunang pagbubuntong-hininga tungkol sa “unfinished business” na nais niyang ipagpatuloy o anupamang pagpapanggap na may kinalaman ito sa paglilingkod sa bayan.

Kumpirmado mula sa sariling niyang bibig na pawang makasarili ang dahilang nagtutulak sa kanyang tumakbo bilang bise-presidente sa 2022 – upang maiwasan ang pananagutan sa mga krimen na umano’y pinasimunuan niya bIlang presidente. Malinaw na bumabagabag sa kanyang pagmumuni-muni tuwing gabi (o madaling araw?), bago matulog, ang banta ng mga kasong isasampa laban sa kanya sa mga korte sa loob at maging sa labas ng bansa, partikular sa International Criminal Court, na nakatutok sa kanyang krimen laban sa pagkatao ng pagpatay ng libo-libong mga Pilipino sa ngalan ng “gera kontra droga.”

Kagyat na nilinaw ng mga batikan abogado at iba pang eksperto sa batas na nagkamali si Duterte sa kanyang pahayag. Ayon sa kanila, tanging ang Pangulo ng Republika ang may immunity from suit (ibig sabihin, hindi maaaring ihabla sa korte ng sinuman) sa buong panahon ng kanyang panunungkulan, upang matiyak umano na magagampanan niya ang kanyang mga tungkulin nang walang anumang abala. Walang immunity from suit ang bise presidente.

Simpleng kabobohan lang ba o kakapusan ng kaalaman sa Saligang Batas at umiiral na jurisprudence tungkol sa presidential immunity ang pinagmulan ng pahayag ni Duterte, gayong lagi niyang pinagmamayabang na “abogado ako”? Hindi. Sadya, kalkulado, at pinag-isipan ang pagbitiw niya ng pahayag na “may immunity” ang bise presidente, kahit alam niyang hindi ito totoo o “fake news” ito. Ngayon pa lamang, kinukundisyon na niya ang publiko na maniwala na hindi siya maaaring panagutin sa alinmang korte kung makapananatili siya sa puwesto. Kung mahalal siya bilang bise presidente, asahang gagamitin niya bilang panangga laban sa kaso ang kaniyang puwesto kasabay ng pagwagayway ng watawat ng Pilipinas upang hindi makaladkad sa hukuman sa The Hague.

Ituloy man niya o hindi ang pagtakbo bilang bise, hindi maaaring maliitin ang desperasyon ni Duterte na manatili sa poder, sa pamamagitan ng pagpapanalo ng kanyang anak na si Sara bilang pangulo sa 2022, upang matiyak na hindi siya magreretiro nang sapilitan sa loob ng selda pagkatapos ng kanyang termino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.