Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pekeng LTFRB employee arestado

0 191

Arestado sa Quezon City ang 50-anyos na lalaki na nagpanggap na empleyado ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at nagpakilalang kaya niya diumanong magbigay ng prangkisa sa isang negosyante kapalit ng P360,000.

Sa isinagawang entrapment operation, nahuli ng pulisya ang suspe na si Ferdinand Bautista Dimapilis, ng Brgy. Los Banos, Laguna. Ayon kay PCpl Ryan Deo Cadlawon, imbestigador ng Masambong Police, ala-1:06 Martes ng hapon nang maaresto ang suspek sa isang fast food chain sa Quezon Avenue.

Batay sa reklamo ng biktimang si Mark Roland Selisana, 39, noong September 16, 2020 ay nakipagkita siya sa suspek sa LTFRB. Aniya, sinabi umano ng suspek na mabibigyan niya ng tourist franchise ang 9 unit ng motorsiklo sa halagang P40,000 bawat isa, at ang suma total ng lahat ng kaniyang babayaran ay P360,000 bago ang October 25.

Dahil sa magaling mambola ang suspek ay nakumbinsi nito ang biktima at nagbigay ng initial payment na P180,000. Pero noong October 22, ay nagtungo ang biktima sa tanggapan ng LTFRB at bineripika kung may katotohanan ang kaniyang transaksyon sa suspek subalit lumitaw na wala itong record.

Lingid sa kaalaman ni Dimapilis ay alam na ng biktima ang kanyang panloloko kaya nang muli itong mag-text sa kanya at hinihingi ang balanse ay nakipag-ugnayan na siya sa mga awtoridad na humuli sa suspek, na mahaharap sa kasong estafa. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.