Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pekeng NBI agent laglag sa robbery-extortion

0 206

Pinosasan ang isang lalaki na nagpanggap na ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos hingan ng pera ang kanyang biktima kapalit ng hindi pag-aresto sa kanya, kamakailan sa San Fernando City, La Union.

Sinampahan ng NBI-Ilocos Regional Office (NBI-IRO) ng kasong robbery/extortion at usurpation of authority sa San Fernando City, La Union Prosecutors Office ang suspek na si Vicente Failon Martinez.

Nabatid na nag-ugat ang pagdakip sa lalaki base sa reklamo ng biktima, na tumangging pangalanan, sa NBI-IRO kung saan nagawa umano ng suspek na makuhanan ang biktima ng P486,000.

Nakakuha umano si Martinez ng isang pekeng Intelligence Report mula sa NBI-IRO at NBI Manila. Gamit ang nabanggit na report ay pinuwersa ng suspek ang biktima na magbigay ng P1 milyon para hindi ito arestuhin.

Pinilit din daw ng suspek na isurender ang sasakyan ng biktima, at pinag-execute ng blankong ‘deed of absolute sale’ ng motor vehicle na may market value na P500,000.

Nag-demand pa umano si Martinez ng karagdagang P500,000 para makumpleto ang P1 milyon at dapat na ibibigay ito sa St. Jude Church sa San Fernando, La Union.

Nitong Mayo 4, ikinasa ang entrapment operation kung saan inaresto ang suspek ng mga tunay na tauhan ng NBI sa aktong tinatanggap ang marked money mula sa biktima. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.