Abante Tonite Interactive

Pekeng PMAyer timbog

400

Buking sa kanyang pagpapanggap bilang isang opisyal ng Philippine Military Academy (PMA) Class of 2012 ang isang 29-anyos na lalaki sa loob ng tanggapan ng Barangay 714 Zone 78 sa Malate, Maynila kamakalawa nang hapon.

Kinasuhan ng usurpation of authority ng Manila Police District-Station 9 ang suspek na si Mac Stanley Lozada y Jandayan na residente rin sa nasabing lugar.

Sa reklamo ni Barangay Chairman Arnel Palo, naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng hapon nang dumating ang suspek sa kanyang tanggapan na nakasuot ng kumpletong uniporme ng PMA at nagpakilalang kapitan ng PMA Class of 2012.

Sinabi umano sa kanya ng suspek na ibigay ang pangalan ng mga residente sa kanilang barangay na sangkot sa iligal na droga at kinakailangan umano na magbigay ng pera sa kanya ang mga tao para hindi sila mailagay sa watchlist at hindi maaresto.

Pero nang hanapan ni Palo ng identification card ang suspek ay naglabas ito ng pekeng military ID na may ranggong private first class gayung nakalagay sa suot nitong uniporme ang ranggong kapitan.

Nagduda si Palo at tinanong ang suspek kung totoong militar nga ito. Umamin naman umano ang suspek na hindi siya konektado sa PMA o anumang ahensiya ng gobyerno kaya binitbit siya ng mga tanod sa MPD-Station 9.

Nalaman na ang suspek at ang kanyang kinakasama ay may isang buwan pa lamang na naninirahan sa nasabing lugar. ­(Juliet de Loza-Cudia)