Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pekeng reseta

0 287

Kung dati, maraming Pilipino ang may agam-agam na maturukan ng Covid-19 vaccine; ngayon naman, tila nagkukumahog ang ilan na mabakunahan. Ang iba nga, natututong mameke para mauna lang sa pila.

Dito sa bayan ng Tanza, lalawigan ng Cavite, mismong Rural Health Unit na ang nagsabing ilang residente ang nahuhuli nilang dinodoktor umano ang dala-dalang reseta at medical certificate.

Dahil hindi pa rin sapat ang suplay ng Covid-19 vaccines mula sa national government, prayoridad pa ring maturukan dito sa Tanza ang A1 hanggang A3 priority groups. Kasama rito ang mga senior citizen at persons with comorbidity o kontroladong karamdaman.

Kaya ang ibang residente na bata-bata pa ang edad, pero kasali sa economic frontliners, napipilitang mandaya para mabakunahan.

Nang araw na nakapanayam ko ang Municipal Health Officer na si Dr. Ruth Punzalan, dalawa na agad ang nasita niyang may bitbit na pekeng reseta.

Kuwento ni Doc, ‘Yung una ang sabi pampatunaw raw ng atay ang lozartan. ‘Yung isa naman, may dala ring reseta pero may bura – halatang tampered. Para saan? Nahilo siya, mababa ang BP – neresetahan daw siya ng lozartan. Obvious na obvious, delikado siya kung ininom niya ‘yun. Buti di nya ininom.’

Ayon sa RHU – Tanza, huwag nang magtangka pang mandaya para lang mauna sa pila. Darating din naman ang pagkakataon ng bawat isa na maturukan ng bakuna. Ang masaklap, baka pati ang medical professional na nagging kasabwa sa pamemeke ng reseta, maasunto at mawalan pa ng lisensiya.

Kaya may panawagan si Doc sa mga kapwa health professionals, ‘Sa ating mga kasamahan, our colleagues in the medical profession, please take care of your license. Pangalagaan natin ang kredibilidad natin, huwag magpaapekto sa mga kaibigan nating nakikiusap para maresetahan at mabigyan ng medical certificate na hindi naman totoo ang kanilang karamdaman.’

Kasabay nito, nakiusap din ang RHU Tanza sa mga residente na siguruhing coordinated sa barangay ang kanilang pagpapabakuna para hindi maaberya ang vaccination schedule. Hindi pa nila maasikaso sa ngayon ang walk-ins dahil kulang pa rin ang Covid-19 vaccines.

Hangga’t maaari, huwag din daw ‘choosy’ sa bakunang ituturok. Sa ngayon, mas maraming suplay ng Sinovac sa Tanza. Ang Astrazeneca naman – para sa second dose vaccination. Ang Pfizer, dinonate lang daw – laan para sa A1 hanggang A3 priority groups.

Sa latest advisory ng Department of Health, hindi na ipinapaalam sa publiko kung ano ang available vaccines. Nagkakagulo raw kasi ang mga tao kapag nalaman kung anong bakuna ang ituturok sa kanila.

Leave A Reply

Your email address will not be published.