Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pemberton pinalaya na, Roque pumalag

0 92

Dahil sa umanoy magandang asal na ipinakita sa loob ng piitan sa nakalipas na anim na taon, pinayagan na ng Olongapo Regional Trial Court (RTC) ang maagang pagpapalaya kay US Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton na pumatay sa transgender woman.

Sa desisyon ng Olongapo RTC, kwalipikado umano si Pemberton sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) dahil sa pagsunod sa mga regulasyong pinaiiral ng Bureau of Corrections (BuCor) para sa magandang asal ng isang bilanggo. Bukod pa rito ang pagbabayad sa civil at moral damages sa pamilya ng biktima ng P4.2 milyon kaya pinayagan ng korte ang maaga niyang paglaya.

Si Pemberton ay hinatulang makulong ng 10 taon dahil sa pagpatay sa 26-anyos Filipina transwoman na si Jennifer Laude sa Olonggapo noong October 11, 2014. Sa Agosto 2024 pa sana ito lalaya.

Hindi naman ikinatuwa ni Presidential Spokesman Harry Roque ang maagang paglaya ng Amerikano.

Sa twitter message ni Roque, sinabi nitong bilang private prosecutor ng pamilya Laude, tutol siya sa napakaiksing panahon sa kulungan ni Pemberton na nakagawa ng karumal-dumal na krimen.

Ang pagkamatay ni Laude ani Roque ay maihahalintulad na rin sa pagkamatay ng soberenya ng Pilipinas.

“As former Private Prosecutor for the Laude family, I deplore the short period of imprisonment meted on Pemberton who killed a Filipino under the most gruesome manner. Laude’s death personifies the death of Philippine sovereignty,” ani Roque.

Nakahanda namang umalalay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paglabas ng US soldier.
“We will assist BuCor in facilitating the release of Pemberton by virtue of such court order,” pahayag ni AFP Chief of Staff Maj. Gen. Edgard Arevalo. (Dolly Cabreza/Aileen Taliping/Prince Golez/Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.