Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pensyon ng mga kawani ng Maynila aprub sa GSIS MOA

0 168

Ako ay nagagalak at buong pagmamalaking nagbabalita sa aking mga kapwa nagta-trabaho sa pamahalaang-lungsod ng Maynila na pupuwede na nilang ibaon sa limot ang kanilang matagal nang pangamba na hindi sila makakakuha ng pension mula sa Government Service Insurance System (GSIS) sa oras na sila ay mag-retiro na sa serbisyo

Kamakailan lang ay lumagda tayo sa isang memorandum of agreement (MOA) kasama ang GSIS kung saan ang libo-libong empleyado ng lungsod ay tiyak na ngayong magtatamo ng benepisyo sa pamamagitan ng pensyon sa oras na sila ay mag-retiro, kahit pa may utang ang lungsod sa GSIS.

Sa ilalim kasi ng normal na sitwasyon, ang employer ay kumakaltas ng takdang halaga mula sa sahod ng isang trabahador. Ang halagang ito ay dapat na ibinibigay sa GSIS upang sa oras na mag-retiro ang nasabing kawani, siya ay maaring makakuha ng pensyon mula sa naturang institusyon.

Nakalulungkot subalit sa kaso ng Manila City Hall employes, matatandaang nang tayo ay maupo bilang alkalde noong nakaraang taon, talaga namang ikinagulat nating mapag-alaman na ang utang ng lungsod sa GSIS ay umabot ng P195 milyon.

Nakakagulat dahil ang mga walang-malay na kawani ng pamahalaang-lokal ay naiwan sa isang sitwasyon kung saan sila ay walang maaring asahang makuha sa GSIS sa kanilang pagre-retiro.

May utang pala ang City Hall sa GSIS. Kung kami ay di nagre-remit ng share sa GSIS, ang epekto nito, kawawa ang empleyado ng gobyerno lalo na’yung mga magre-retiro kaya’t pilit nating itinatama ang pagkakamali.

Sa ilalim ng normal na sitwasyon, kapag ang empleyado ay hindi ‘updated’ o bayad sa oras, wala itong maaring makuhang pensyon liban na lamang kung babayaran niya muna ang mga kakulangan niya dito.

Dahil dito kung kaya’t pilit naming inaayos ang lahat ng pagkakamali, bagama’t hindi kami ang may kagagawan o sanhi nito.

Alam at naiintindihan naming lubos kung paanong patuloy na nabubuhay sa takot ang aming mga kawani, lalo na yaong mga papa-retiro na.

Kaya naman ganun na lamang ang aming pasasalamat sa GSIS at sa aming city personnel’s office na talaga namang matiyagang pinag-aralan at sinikap na magkaroon ng naturang MOA.

Related Posts
SM food to go Banner Ad

Sa ilalim ng kasunduan, ang pamahalaang-lungsod ng Maynila ay makatitipid pa ng mahigit P68.4 miyon dahil pumayag ang GSIS na ibaba ang halaga ng utang ng lungsod sa P126 milyon na lamang, mula sa P195 milyon.

Hindi pa diyan natatapos ang kabaitan ng GSIS dahil pumayag pa itong hulugan ang bayad ng lungsod, at ito ay buwan-buwan.

Pumayag ang GSIS na uumpisahan ng lungsod ng Maynila ang pagbabayad ng utang nito sa buwan ng Enero pa sa susunod na taon.

Ngayong nariyan na ang MOA, maari nang mapanatag at matulog nang mahimbing ang mga kawani, sa pagkakaroon ng katiyakan na makukuha nila ang kanilang pensyon anumang araw nila gustuhing mag-retiro.

Bagamat sa susunod na taon pa magsisimulang magbayad ang pamahalaang-lungsod, ang epekto ng hindi ‘updated’ ay hindi na apektado ang pension. ‘Yan ay dahil pumayag ang GSIS na lahat ng magreretiro sa October, November o December, ay ituturing na parang bayad na din.

Ito ang maliit na bagay na maari nating maiganti sa ating mga minamahal na trabahador sa gobyerno ng Maynila, lalo na yaong mga nagsilbi sa lungsod ng ilang dekada.

Karapat-dapat lamang na anihin nila ang bunga ng maraming taon nilang paghihirap sa trabaho at kahit paano ay ma-enjoy ang kanilang pagre-retiro, matapos nilang ibuhos ang pinaka-produktibong bahagi ng kanilang mga buhay sa pagsisilbi sa lungsod at mga mamamayan nito.

Anumang progreso ang ating tinatamasa sa ngayon bilang lungsod, ‘yan ay utang din natin sa kanila.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ding mga Batang Maynila. Manila, God first! *** Maari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang-lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account— ‘Isko Moreno Domagoso.’

Leave A Reply

Your email address will not be published.