Abante Tonite Interactive

Pera ni lolo, gagamitin sa kalokohan

By
350

Ang tulungan ang mga mahihirap ay makataong gawain. Subalit, kung ang pagtulong sa mga mahihirap ay para sa pansariling ambis­yon ito ay nakaririmarim. Isang krimen sa sangkatauhan.

Maliban sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng gobyerno, ang Department of Social Welfare and Development ay naglaan pa ng P500 kada buwan para sa mga tinatawag na ‘indigent senior citizen’. Isang ‘pension system’ sa mga nakatatanda na hindi naging mi­yembro ng SSS o GSIS.

Ang pondo ay ibi­nibigay ng DSWD sa mga Lokal na Pamahalaan (kay mayor), na ipatatrabaho naman kay kapitan at iuutos naman sa mga purok lider ng bawat barangay para alamin kung sino ang puwedeng o kuwalipikadong ‘indigent senior citizen’ ang makatatanggap.

Kapag hindi kaal­yado ni kapitan, kahit kuwalipikado, ang ‘senior citizen’, ‘sorry’ na lang.

Ang hirap talaga ang maging mahirap. Palagi na lang pinagsasamantalahan ng mga taong nagkukunwa­ring ‘lingkod-bayan’.

***

Insultong malaki ang sistemang ito ng DSWD sa mga ‘senior citizen’ na kahit uugod-ugod na, dahil sa rayuma ay kumakayod pa.

Tinuturuan lamang nito ang mga aktibong ‘senior citizen’ na ma­ging tamad at umasa na lamang ng limos mula sa gobyerno, na ang pera ay galing naman sa buwis ng mga tao.

Hinayaan pang pumapel ang mga mayor sa pamumudmod ng ‘limos’ sa mga tinatawag na ‘indigent senior citizen’ dahil sigurado kapalit nito’y boto ni lolo.

Ayon sa DSWD, hindi lahat ng ‘senior citizen’ ay kuwalipikado sa sistemang ito. Kailangan maging ‘indigent’. Mga mahihirap. Walang trabaho. Walang regular na kita – pero may mga bisyo.

‘Unfair’ ang sistemang ito sa mga ‘senior citizen’ na wala ring SSS at GSIS pero kumakayod dahil ayaw maging pasanin sa kanilang mga anak, lalo na sa lipunan.

Kung tutuusin, ang P500 ay kaunti na ang mabibili ngayon dahil sa epekto ng TRAIN Law, bakit hindi ibigay ang halagang ito sa lahat ng ‘senior citizen’?

Hinihikayat lamang ng sistemang ito ng maging tamad ang mga ‘senior citizen’ na dapat ay laging aktibo dahil sa kanilang edad, madali na silang tamaan ng sakit at iba pang karamdaman o ‘medical condition’.

Kung may pinagkakaabalahan ang mga nakatatanda, maliit man itong negosyo o kung anuman ang ‘hanapbuhay’, dapat lang silang suportahan at hindi dapat ma­ging dahilan para hindi masama sa ‘pension system’ ng DSWD.

Alisin ang pondo sa kamay ng mga mayor at kapitan, gagamitin lamang ito sa kalokohan.