Abante Tonite Interactive

Pera padala ng mga OFW pumalo sa $2.9B

266

Umabot sa $2.9 bil­yon ang ipinadala ng mga overseas Fi­lipino worker (OFW) sa kanilang mga pa­milya sa Pilipinas noong Mayo, mas malaki ng 5.5% kumpara sa ipinadala nila sa parehong buwan noong 2018.

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, umabot na sa $13.7 bilyon ang remittance ng mga Pinoy abroad sa kanilang mga kamag-anak mula Enero hanggang Mayo, mas malaki ng 4.1% kumpara sa ipinadala nilang $13.2 bilyon noong Enero hanggang Mayo 2018.

Ang Estados Unidos pa rin ang pinakama­laking source ng remittance mula sa mga Pinoy abroad.

Sumunod naman dito ang Saudi Arabia, Singapore, United Arab Emirates, United Kingdom, Japan, Hong Kong, Qatar at Kuwait. Ang remittances ng mga bansang ito ay katumbas ng 78% ng mga cash remittance.

Mahalaga ang bahagi ng mga OFW remittances sa ekonomiya ng Pilipinas dahil dito nanggaga­ling ang panggastos ng mara­ming mga tahanan at ito rin ang dahilan kung bakit hindi tulu­yang sumasadsag ang piso kontra dolyar kahit mas marami ang ina­angkat ng Pilipinas kaysa ini-export. (Eileen Mencias)