Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Pera-peraan’ sa pandemya

0 277

Kung may maituturing na magandang naidulot mga tropapips ang pandemic, iyon eh naging madiskarte ang iba nating kababayan para kumita–pati nga lang ang mga kumag na buraot.

Nakaka-elibs at mapapa-wow! ka sa kuwento ng mga taong idinaan sa sipag at diskarte ang pag-asenso kahit may pandemic dahil sa pagbebenta ng kung ano-ano online.

Bakit ka nga naman magpapakalugmok kung nawalan ka ng trabaho o nagsara ang negosyo dahil sa pandemic na dulot ng COVID-19 na original na galing sa China. Tutal nga naman eh maraming nakatutok ngayon sa internet na walang ginawa kundi ang mag-Facebook at mag-Tiktok, bakit nga naman hindi ka mag-isip ng kung anong maibebenta mo sa paraan ng social media.

Gaya ng mga live selling sa Facebook na kailangan lang siyempre eh tiyaga at may konting pakulo. Ang iba, idinadaan sa FB ang promo at pagkuha ng order. Iyon nga lang, dapat maging maingat sa mga buraot na scammer at prankster.

Pero hindi naman lahat eh talagang umasenso ng bonggang-bongga. Ang iba, sapat lang ang kita para mapalitan ang nawalang sahod nang matigil sa trabaho. Ika nga eh sapat lang ang kita para maka-survive sa pandemic.

Ngunit kung merong mga dumiskarte ng patas, meron ding mga kumag na hindi. May ibang ginamit ang social media para makapang-scam, na kung minsan ang mga binibiktima pa eh yung mga dumidiskarte ng tuwid sa pamamagitan din ng social media.

Ilan na nga bang food delivery riders ang mabiktima ng mga buraot na kung hindi nagbabayad ng inorder eh nangpa-prank lang o maling address ang ibinibigay o gumagamit ng ibang pangalan.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Noong kasagsagan ng lockdown, ang daming naging tiba-tiba dahil sa sobrang laki ng patong sa face mask at face shield. Mantikin mong umabot ng P500 hanggang P1,000 ang isang kahon ng face mask na ngayon eh mabibili mo ng P90. Ang ordinaryong face shield na P10 ang isa, dating umaabot sa hanggang P100.

At gaya ng dati nating isinulat na bantay-bakuna sa mga “lang-magu”, may mga alingasngas ngayon na may “slot for sale” kuno para maturukan ng gustong brand ng COVID-19 vaccine lalo na Pfizer.

But wait there’s more na mas matindi. Lumitaw sa isang report ng Commission on Audit na may isang LGU na umorder ng mga pang-ayuda food grocery tulad ng mga bigas, delata at iba pang gamit noong panahon ng 2020 lockdown na milyon-milyon ang halaga.

Wala namang problema kung umorder ang mga opisyal at kung ibinigay naman sa mga tao ang pang-ayuda. Kaya lang nasilip ng COA na ang mga kompanyang binilhin ng lalawigan eh iba ang linya ng mga ibinebenta tulad ng mga libro, construction supplies, gamit sa opisina at kung ano-ano pa.

Kaya naman hindi maalis na may mga malisyong mag-isip ang talagang mapapa-isip. Ano kaya ang mayroon sa mga kompanyang iyon at sa kanila ibinigay ang kontrata? Malaki kaya silang magbigay ng discount? Wala na bang ibang kompanyang mabibilhan ng mga produkto na hanap nila? O baka naman may something sa kanila? Ano kaya iyon?

Ilan pa kayang lokal na opisyal o LGUs ang may ganitong ginawa noong panahon ng lockdown? Tuwang-tuwa pa naman siguro ang mga tao sa kapitan nila, o kay mayor, o kay gobernador dahil sa ipinamigay na ayudang food grocery pero iyon pala eh…alam nyo na. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.