Abante Tonite Interactive

Perwisyo sa kalye sino ba ang dapat kumastigo?

By
48

Madalas na nating maisulat sa ating column ang problema ng ating mga kababayan sa kaliwa’t kanang sirang mga kalsada na nagdudulot ng peligro at pagsisikip ng daloy ng trapiko sa halos buong Metro Manila.

Kabilang sa mga ito ay ang pagsira ng kalsada ng mga kontratista ng Maynilad at PLDT para isakatuparan ang kanilang mga problemadong mga linya o tubo.

May ilan namang proyekto talaga ng gobyerno katulad ng ginagawang mga skyway sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.

Masyadong peligroso ang mga proyektong isinasakatuparan. Marami ang walang warning device sa mga lugar kung saan may mga kinukumpuning mga proyekto kaya kadalasan ay may mga aksidenteng nangyayari.

Dahil sa mga ganitong problema ay ang mga kababayan natin ang nagdurusa, ang nagpapahamak.

Ang ating katanungan, hindi ba maaring pakialaman ng local government units na nakakasakop sa mga pasaway na kontratista ang problemang ito?

Talo ang taumbayan sa kapabayaang ipinapamalas ng mga kontratista dahil kadalasan ay napakahabang proseo ng pinagdadaanan kapag naaaksidente dulot ng kanilang kapabayaan.

Para sa akin, napapanahon na para kumilos ang gobyerno kung hindi man ay ang mga LGUs sa problemang ito.
Inuunawa natin ang pangangailangang ayusin ang mga sira-sirang kalsada pero sana naman ay ilagay nila sa ayos ang pagkukumpuni.

Maglagay sila ng mga warning device sa kanilang mga proyekto para walang nadidisgrasya.
Buhay kadalasan ang ibinubuwis ng ating mga kababayan dahil sa kapabayaan ng mga kontratistang ito na sa tingin ko ay kaya namang maiwasan kung papapel ang LGUs.

Huwag na sanang magpatumpik-tumpik pa ang mga LGUs at aksyunan na ang problemang upang mailayo ang mga motorista sa kapahamakan na hatid ng mga nagkalat at wala sa ayos na warning device ng mga kontratista.

Ginawa natin ang apelang ito dahil patuloy pa rin ang mga aksidenteng nangyayari sa mga kalsada kung saan may mga obstruction dulot ng pagkukumpuni sa kalsada ng ilang private contractors ng gobyerno.