Abante Tonite Interactive

PETA: Mga beterinaryo, animal rescuer padaanin sa checkpoint

384

Hiniling ng isang grupo ng mga animal rights advocate sa pamamagitan ng ipinadalang liham kay Pangulong Rodrigo Dutere na ituring bilang mga “essential worker” ang mga beterinaryo at rescuer ng mga hayop upang malayang makagalaw ang mga ito sa kabila ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong Luzon.

Sa isang press statement ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) nitong Martes, pinaliwanag ng grupo na dahil sa mga limitasyon sa paglalakbay at mga checkpoint, ilang beterinaryo ang hindi makarating sa kanilang mga klinika.

“Ang PETA ay madalas na nakakatanggap ng mga tawag tungkol sa mga namamatay at mga may sakit na hayop, pero sa ngayon, ang rescue team nito ay hindi makapunta para sila ay tulungan,” bahagi ng pahayag ng PETA.

Nabatid na ipinadala ng PETA ang kanilang liham sa tanggapan ni Pangulong Duterte gayundin sa iba pang mga opisyal ng pamahalaan Martes ng umaga.

“Ang hindi pagpayag sa mga manggagawa na ito na ibigay sa mga hayop ang kanilang kailangang tulong ay maaaring humantong sa mga miyembro ng publiko na umaksyon ng walang tulong ng propesyonal, na maaaring magdala ng pinsala sa mga tao, hayop, at komunidad,” nakasaad sa liham na nilagdaan ni PETA senior vice president of international campaigns Jason Baker.