Abante Tonite Interactive

Petecio, Diaz mga major awardee sa SMC-PSA

525

Tig-isang boxing world champion at Olympic silver medalist ang ilan sa gagawaran ng major awards sa susunod na buwan sa taunang SMC-PSA (Philippine Sportswri­ters Association) Awards Night sa Centennial Hall ng Manila Hotel.

Sila ay sina Nesthy Petecio at Hidilyn Diaz na mga mamumuno sa 12 personaheng major awardees mula sa pinakamatagal na media organization sa bansa sa Marso 6 na gala night na mga itataguyod ng Philippine Sports Commission, MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association, Rain or Shine, at Air Asia.

Ang dalawang babaeng atleta ay miyembro ng Team Philippines na pararangalan kasama sa Athlete of the Year award dahil sa kanilang matagumpay na pag-angkin sa Southeast Asian Games overall championship.

Nanalo ang 27-anyos na si Petecio ng medalyang ginto sa featherweight sa AIBA Women’s World Boxing Championships sa Ulan-Ude, Russia noong Oktubre, habang nakadale si Diaz, 29, ng silver medal sa 2016 Rio Olympics at nakaraang taong Asian Championships at tanso sa World Weightlifting Championships.

Ang unang qualifier ng bansa sa Tokyo Olympics sa pole vault na si Ernest John Obiena ang kabilang pa sa mga major awardee sa pagwagi sa qualifying meet sa Chiara, Italy. Wagi rin siya ng ginto sa Asian Athletics Championship at sa Summer Universiade.

Dalawang iba pang world boxing champion ang nakabilang sa honor roll list — reigning International Boxing Federation (IBF) super-flyweight title holder Jerwin Ancajas at World Boxing Organization (WBO) bantamweight king Johnriel Casimero.

Hindi rin maiiwanan bilang major awardees sa basketball ang bumubuo sa walang talo at sixth-time UAAP women’s champion National University, five-time PBA Philippine Cup winner San Miguel Beermen, at five-time MVP June Mar Fajardo.

Kukumpleto sa listahan ng major awardees ang golfers na sina Juvic Pagunsan, Aidric Chan, at Princess Superal, pati na ang Horse of the Year na si Union Bell.

Kikilalanin din ang mga may special citation, maging MILO Junior Athletes of the Year, ang re­gular na Tony Siddayao awardees, at ang Chooks-To-Go Fan Favorite Award. (Lito Oredo)