Abante Tonite Interactive

Peter Lim, ‘big challenge’ sa PNP – Albayalde

By
580

Maituturing na “big challenge” para sa kapulisan ang paghahanap sa Cebuano drug lord na si Peter Lim, ayon kay Philippine Natio­nal Police (PNP) chief Director General Oscar ­Albayalde.

“Unang-una, alam naman natin kung gaano siya kayaman at kung ano ang network nitong tao na ito kaya really it’s a big challenge for us. Alam naman natin na maraming connection itong mama na ito,” pahayag ni Albayalde sa panayam sa Camp Crame kahapon.

“But then again, kung talagang tutulu­ngan tayo ng taumba­yan dito, I think kahit saan ka naman magtago tala­gang ituturo ka ng taumbayan. Makukuha at makukuha ka namin,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon kay Albayalde, at large pa rin ang status ni Lim matapos ang pag-isyu ng warrant of arrest ng Makati City Regional Trial Court (RTC) sa iba’t ibang kasong may kinalaman sa iligal na droga noong Agosto 17, 2018.

Wala pa umanong ulat na nakalabas na ng bansa ang pugante base sa record ng Bureau of Immigration (BI), saad pa ni Albayalde.

Pinapangunahan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang paghaha­nap kay Lim at base sa impormasyong nakuha sa Intelligence Division ng Camp Crame, bantay-sarado na ang anim nitong bahay kabilang ang ilang condominium unit at ang ancestral house ng pamilya nito.