Abante Tonite Interactive

Petition for consignation

240

Atty. Claire Castro

Dear Atty. Claire,
Good day attorney. Gusto ko po sana magtanong at humingi ng advice.

May na-loan po kasi ako last April 2017 sa online lending company. P8,000.

Hindi ko po agad nabayaran sa araw ng pagbabayad, dahil nung time na yun gipit na gipit talaga ako. Then after one month nakapaghulog ako ng 2,000 para sa loan. Kaso yung lending company po sinisingil na ako ng 13,000+ at gusto po na bayaran ko ng buo. Eh hindi ko po kaya magbayad ng ganun kalaki, ang kaya ko po installment.

Hanggang sa napabayaan ko na po yung loan, then may nagtetext po sakin na magpa-file daw ng case at magkakarecord daw po ako sa NBI.

Ngayong araw may tumawag daw po sa opisina (naka-leave ako) sabi ipa-publish daw ako na may violation sa RA 8484 Art. 354.

Gusto ko lang po malaman kung totoo po ba na nilalagay sa dyaryo yung mga ganung case?

Nangangamba ako dahil makakasira po ito sa reputasyon ko.

Ano din po ang dapat kong gawin kung ayaw nila pumayag na installment ang pagbayad, gusto isang bagsakan, hindi ko po kaya yun.
Sana po matugunan nyo ang katanungan ko.
Thank you po,
Nicai

Ms. Nicai,
Ang hindi pagbaba­yad ng utang at tunay na kasiraan ng repustayon ng isang tao kaya’t bago pa man mangutang ay dapat handa na tumupad sa obligasyon ng pagbabayad sa oras. Huwag sirain ang tiwala ng nagpa-utang.

Noong handa kang magbayad ng hulugan at ayaw nilang pumayag ay dapat na nagpadala ka na ng sulat na nagsasabi ng OFFER OF PAYMENT mo sa paraang kaya mo at kung ayaw pa rin ay nagpatulong ka na sa abogado upang makapagsampa ng Petition for Consignation upang sa korte na kayo mag-usap para maideposito ang bayad sa korte upang hindi na lumaki pa ang interes.
Sa nangyari sa iyo ay pinabayaan mo kaya’t tuloy-tuloy ang takbo ng interes ng utang mo hanggang ngayon.

Kung ikaw ay kinasuhan na ay dapat nabigyan ka na ng subpoena para sumagot sa kaso at kung wala pang kaso ay hindi nila basta-basta mapa-publish ang pangalan mo sa dyaryo. Hindi pumapayag ang mga kilalang dyaryo sa mga harassment ng mga collecting agency.

Sa ngayon ay makipag-ugnayan ka ng personal sa lending company kung alam mo ang opisina upang ipabatid ang planong pagbabayad.. mas mainam na may sulat kang ipapa-receive para may ebidensya ng planong pagbabayad. Hindi nila masasabi na manloloko ka at umiiwas sa obligasyon. Kapag hindi pumayag ay saka ka na dumulog sa korte katulad ng sinabi ko upang makaiwas sa mas malaking interes.

***
Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624/922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.