Abante Tonite Interactive

PH archers bokya sa medalya sa Utah

1,254

LUHAANG bumalik ng bansa ang 5-player national recurve and compound archery team tapos mabokya sa medalya sa pumana noong Hunyo 18-24 na 13th Archery World Cup 2018 Stage 3 sa Easton Salt Lake Archery Center sa Salt Lake City, Utah, USA.

Konswelo de bobo na pumang-apat si 28th seeded Ma. Amaya Amparo Paz-Cojuangco sa non-Olympic event women’s compound individual nang matalo sa bronze medal match kay 2nd seeded Sophie Dodemont ng France, 125-133 (24-28, 24-27, 25-26, 26-28, 26-24).

Bigo muna si Paz-Cojuangco, 32, ng Quezon City sa semifinals laban kay top seed Sara Lopez ng Colombia, 138-147. Umalpas ang Filipina hawkeye sa quarterfinals sa pagsilat kay 4th seed Toja Ellison ng Slovenia, 142-140.

Nagitla rin niya si 12th seeded French Sandra Herve sa shoot-off 10-8 tapos magtabla sa quarterfinals regulation (137-137), gulantangin si fifth seed Natalia Ardeeva ng Russia sa Last 16, 141-140, at manaig kay 37th seeded Laura Longo ng Italy sa opening round.

Lumagak na lang na ika-38 puwesto si 41st seeded Paul Marton dela Cruz, ika-49 si 36th seeded Joseph Benjamin Vicencio, ika-50 si 39th seeded Earl Benjamin Yap sa men’s compound individual. Natalo agad sila sa knockout matches tapos ng seeding round.

Sa compound men’s team, pampito ang ninth seed PHL squad nina Dela Cruz, Yap at Vicencio habang pangsiyam sina 14th seeded Paz-Cojuangco at Vicencio sa compound mixed team.

At sa Olympic event women’s recurve individual, umabot lang 30th place si 25th seeded Nicole Marie Tagle nang maka-1-1 win-loss record sa KO matches.