Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PH, China may kasunduan sa presyo ng bakuna

0 128

Ibinuko kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque na sikreto lang sa pagitan ng pamahalaang Pilipinas at China ang presyong P650 kada piraso ng Sinovac vaccine na bibilhin ng gobyerno dahil umano sa pagiging Best Friend Forever (BFF) ng dalawang bansa.

Inihayag ito ni Roque sa gitna ng pambabatikos sa pamahalaan na mas pinili pa ang P3,600 singil ng Sinovac Biotech sa kada dose ng kanilang bakuna laban sa COVID-19 kaysa ibang brand na `di-hamak na mas mura.

“Ang aking i-a-assure po sa inyo, fake news po `yong kumakalat na P3,600 daw ang singil ng China. Ang ating presyo, bagamat hindi pa maaaring ianunsyo kung ano po talaga ang presyo ng Sinovac, ay hindi po nagkakalayo o hindi po lalayo sa presyo ng Indonesia na P650 kada turok,” paliwanag ni Roque.

Idinagdag niyang hiniling ng Sinovac na gawin munang sikreto ang totoong presyo ng kanilang bakuna laban sa COVID-19 para hindi magdamdam ang ibang bansa na nakabili sa kanila sa mas mataas na presyo.

Aniya, mag-BFF naman ang China at Pilipinas kaya presyong magkaibigan lang ang sisingilin nito para sa bakuna ng Sinovac.

Giit pa ni Roque, depende rin sa bansang bibili ang presyong sinisingil ng Sinovac para sa kanilang bakuna.

“Ang presyo kasi ng Tsina, hindi gaya ng ibang kompanya na kapitalista na market dictated. Ang presyo ng Tsina puwede nilang baguhin. Wala silang pakialam, depende kung sino ang bibili,” dagdag nito.

“`Yon ang dahilan kung bakit ayaw ipa-anunsiyo mismo ng Tsina kasi nga baka magalit `yong hindi masyado nilang BFF na alam nilang bumili nang mas mahal,” ani Roque.

Pumalag sa galit ang ilang sektor nang ibahagi ng tanggapan ni Senator Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na aabot sa P3,629 ang halaga ng dalawang dose ng Sinovac vaccine na kailangang iturok sa isang tao lang.

Nilinaw naman ni Angara na ibinigay lang sa kanila ng Department of Health (DOH) ang nasabing datos sa budget hearing sa Senado noong nakaraang taon. (Mia Billones/Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.