Abante Tonite Interactive

PH Cup, D-League inatras sa coronavirus

243

Iniurong ng PBA ang mga pagbubukas ng Season 45 pati ang 10th D-League bilang suporta ng liga sa mga precautionary measure ng gobyerno bunga ng 2019 Novel Coronavirus outbreak.

Pangangalaga na rin ito ng liga sa kaligtasan ng mga player at fan na inaasahang dadagsa sa opener.

Ang dating March 1 opening ng papasok na season ay ipinostpone na sa March 8 sa Smart Araneta Coliseum pa rin.

Sa March 2 na sa Paco Arena ang opening­ day ng D-League na unang iniskedyul sa Feb. 13.

“It’s a preventive measure against nCoV. It’s now in place and will be implemented,” pahayag ni commissioner­ Willie Marcial nitong Lunes. “The safety of our fans, teams, players and officials remain to be our utmost priority.”

Walang mababago sa mga nakalinyang aktibidad sa opening day. Tuloy ang laro ng Philippine Cup five-time champion San Miguel Beer kontra Magnolia Pambansang Manok Hotshots.

Maagang rematch ito ng dalawang nagbuno sa all-Pinoy finals ng nakaraang taon na sinikwat ng Beermen sa sagarang pitong laro.

Bago ang inaugural game, mauuna ang Season 44 Leo Awards tampok ang paggagawad ng season MVP.

Nangunguna pa rin sa stats si big man June Mar Fajardo, abot-kamay ang pang-anim na sunod niyang MVP plum. (Vladi Eduarte)