Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PH internet bibilis pa kung totodo gastos nang private at gobyerno sa telco infra

0 202

Kung minsan, totoo rin yung kasabihan na mas marami, mas maganda. Mas marami, mas masaya.

Ang tawag diyan, pagkakaisa at pagtutulungan. Simple pero epektibong kumbinasyon.

Parang mga internet provider lang yan na Smart at Globe. Hindi n’yo ba napapansin na kahit mataas ang demand sa internet access dahil sa pandemic, mas gumanda pa ang signal ngayon ng ating wifi connection?

Sa report ng Ookla, mas bumilis pa nga raw ang internet sa Pilipinas noong Nobyembre kahit patuloy tayong ginugulpi ng krisis sa pandemya.

Ang Ookla ang kinikilalang awtoridad sa Internet access performance metrics o speed test ng iba’t ibang bansa.

Pansinin po ninyo, mas ginagalingan ngayon ng Globe at Smart ang kanilang serbisyo para sa mga Pinoy consumer.

Kasi nga, kinakabog din sila sa matinding kompetisyon na dala ng Dito Telecommunity.

Pumapalo na sa 28.69Mbps ang average download speed ng fixed broadband ng bansa mula sa dating 7.91Mbps lang noong July 2016 habang nasa 18.49Mbps ang overall performance ng ating mobile network mula sa dating 7.44Mbps lang noong July 2016.

Kung dati’y naiinis tayo sa putol-putol na panonood natin ng kahit isang maikling video sa Internet, ngayon ay puwede na tayong makatapos ng isang buong movie sa Netflix ng hindi humihinto o nagla-lag.

Bukod sa libangan, ang mabilis na Internet ang isang dahilan kung bakit nakakaya natin ngayon ang online learning, work from home set-up, at pati na ang MSMEs operations sa panahon ng global pandemic.

Sa totoo lang din, hindi naman napatid ang Internet natin nang salantahin tayo ng Bagyong Ulysses noong Nobyembre.

Globe at Smart pa lang po yan. eh paano pa pag nadagdagan sila? Eh di tiyak na bibilis lalo ang ating Internet dahil sa pagpasok ng Dito Telecommunity bilang third telco player.

Sa report, pumalo na sa mahigit P120 bilyon ang investments ng Globe at Smart para sa telco infrastructures and services ngayong 2020 lang.

Nakakadismaya lang na nasa P902 milyon lang pala ang inprabuhang budget para sa National Broadband Network sa kabila ng pagtutulak ng ilang senador at kongresista na taasan ito para sa 2021 national budget.

Malayong-layo ito sa South Korea. Alam naman siguro ng ilan nating mambabatas ang importansya ng internet. Sa halip na dagdagan aba eh binarat pa. Parang ice cream commercial lang ang peg. Saan nga ba makakarating ang P20 ngayon?

Asa na lang sa private sector? May ilang pag-aaral ang mga eksperto at sabi nila, mas bumibilis ang Internet kung nagtutulungan ang private at public sectors sa paggastos sa telco infrastructures.

Aba eh kung gusto nating maging world class, sana naman ay gastusan ng gobyerno ang telco infrastructures lalo’t hindi pa klaro kung kailan matatapos ang hamon ng COVID-19.

Kaya sana, lalo pang magtulungan ang ating gobyerno at mga internet provider para na rin sa mas masiglang ekonomiya ng bansa at siyempre sa mas masaya at magandang buhay nating mga Pinoy.

Leave A Reply

Your email address will not be published.