Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PH top 27 sa dami ng aktibong COVID case – Palasyo

0 256

Mula sa dating ranking na number 30 ay bumaba umano sa number 27 ang Pilipinas sa dami ng naitalang aktibong kaso ng COVID-19.

Sinabi ito ni Presidential Spokesman Harry Roque batay aniya sa talaan ng Johns Hopkins.

Gayonman, ang pambawi aniya ay pang-91 ang Pilipinas pagdating sa case fatality rate na 1.7% sa buong mundo.

Sinabi ni Roque na nasa 15,447 na ang mga Pinoy na namamatay sa COVID-19 simula noong 2020 habang patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 mula noong buwan ng Marso.

Samantala, sa COVID-19 Case Bulletin No. 397 ng Department of Health kahapon ay sumampa na sa 904,285 ang kabuuang kaso ng mga tinamaan ng virus sa bansa matapos na madagdagan ito ng 11,429 na mga bagong kaso.

Nakapagtala naman ng 856 bagong gumaling kaya umakyat na sa 705,164 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober sa sakit.

Nasa 148 naman ang bagong namatay dahilan para umabot na sa 15,594 ang kabuuang bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19.

Umakyat naman sa 183,527 ang kabuuang bilang ng mga aktibong kaso ng COVID-19 hanggang alas-kuwatro ng hapon nitong Abril 15.

Una nang sinabi ng OCTA Research Group na posibleng pumalo sa isang milyon ang COVID-19 case sa buong bansa bago matapos ang buwan ng Abril.

Samantala, nabatid na mayroong 46 kaso na unang naitala na nakarekober ang napag-alaman kalaunan na nasawi pala matapos ang final validation. (Aileen Taliping/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.