Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pharmally laway puhunan sa DBM deal

0 74

Inamin ni Pharmally Pharmaceutical president Huang Tzu Yen sa Senado na walang pinansiyal na kapasidad ang kanyang kompanya nang makuha ang P8.5 bilyong halaga ng kontrata sa Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) sa panahon ni ex-Undersecretary Christopher Lloyd Lao noong 2020.

Inilahad ni Huang sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nitong Biyernes na nangutang sila ng pera sa dating economic adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Michael Yang.

Aniya, ito ang dahilan kung bakit nag-alangan siya at si Pharmally Director Lincoln Ong na ibunyag ang totoong transaksiyon ni Yang sa kanilang kompanya.

Una rito, sinabi ni Ong na may corporate fund ang Pharmally para bayaran ang kanilang supplier.

“It’s just a courtesy, we really needed help, and he (Yang) offered to help. This is what caused him to be evasive,” sabi ni Huang.

Kasunod nang pag-amin ni Huang, sinabi ni Senador Franklin Drilon na nakakuha ng malaking kontrata ang Pharmally na walang inilabas kahit na piso at pagkatapos ay lumapit kay Yang.

“Pharmally won the contract without a single peso, and afterward had to go to Michael Yang,” ani Drilon. “I don’t think Mister Yang is a philanthropist that he would give Pharmally a lot of money,” dagdag nito.

SM food to go Banner Ad

Hindi naman binanggit ni Huang kung magkano ang inutang ng Pharmally kay Yang.

Dahil sa testimonya ni Huang, kinastigo ni Drilon si Lao na arogante aniya nang igiit pa na “aboveboard” ang kontratang inaprubahan ng PS-DBM na dati niyang pinamunuan.

Yang, Pharmally exec pinaaresto ng Senado

Samantala, dahil sa pagiging “evasive” sa kanilang mga sagot, pina-cite for contempt ng mga senador at pinaaresto sina Yang at Ong.

Naghain si Senador Panfilo Lacson ng mosyon para mag-isyu ng panibagong arrest warrant laban kina Yang at Ong matapos maobserbahan ang hindi pagkatugma-tugma ng kanilang mga testimonya.

Sinegundahan ni Senador Risa Hontiveros ang mosyon ni Lacson at agad namang inaprubahan ng Senate Blue Ribbon Committee ang mosyon at pinaaresto sina Yang at Ong.

Kailangang pirmahan ni Senate President Vicente Sotto III ang bagong arrest warrant bago ito iisyu kina Yang at Ong. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.