Abante Tonite Interactive

Phil Ivey Renaissance

320

Matapos ang halos dalawang taon na tagtuyot ay muling nanalo sa live tournament ang legendary poker player na si Phil Ivey.

Inangkin ni Ivey ang titulo sa Partypoker Live Millions Super High Roller Series sa Sochi, Russia noong nakaraang linggo. Huling nanalo si Ivey sa 2018 Triton Poker Super High Roller Series na ginanap sa Montenegro.

Tinalo ni Ivey sa heads-up ang Malaysian poker pro na si Michael Soyza para maibulsa ang top prize na $856,050 at itulak ang kanyang career earnings sa mahigit $30M. Mahigit $1.4M ang napanalunan ni Ivey sa serye mula sa tatlong tournament cashes, kabilang na ang $525,000 na nakuha niya matapos pumangalawa sa isa pang short deck event.

Hindi naging maganda ang nakalipas na ilang taon kay Ivey. Bago pa ang kanyang title-drought ay inaalat na ito. Dalawang casino ang nag-akusa sa kanya ng pandaraya sa larong baccarat – tig-isa sa Atlantic City at sa London. Natalo siya sa parehong kaso at inutusan siya ng korte na ibalik ang mahigit $20M na kanyang napanalunan mula sa dalawang casino.

Muntik pang hindi mangyari ang pagbabalik sa winner’s circle ni Ivey. Ang poker series sa Sochi ay isa sa iilang major poker events na hindi nakansela sa nagdaang linggo. Halos lahat ng torneo, malaki man o maliit, ay kanselado na dahil sa patuloy na pagdami ng kaso ng coronavirus sa buong mundo.

Sa ngayon ay ang renaissance ni Ivey ang pinag-uusapan sa poker world, pero kung hindi agad masusugpo ang pagkalat ng coronavirus ay siguradong renaissance ng online poker naman ang magiging mainit na topic.

Tatalakayin natin ang pag-angat, pagbagsak at posibleng pag-angat muli ng online poker sa susunod kong kolum.