Abante Tonite Interactive

Philab holdings pinagbabayad ng P10M sa illigal dismissal

224

Pinagbabayad ng National Labor Relations Commission (NLRC) ang Philab Holdings Corp. ng mahigit P10 milyon o ang katumbas ng $290,000 kay Tee Sing Tang dahil iligal ang pagkakasibak sa kanya noong 2017.

Sabi ng Philab Hol­dings kahapon, inutusan na ito na bayaran si Tee ng $290,000 na katumbas ng unexpired portion ng kanyang employment contract kasama na ang kanyang signing bonus plus 10% para sa attorney’s fees.

Sinampahan ng kaso ni Tee ang DNA Hol­dings Corp., ang da­ting pangalan ng Philab Holdings, at si Hector Thomas Navasero na chairman ng kompanya nang sibakin siya ng basta-basta noong 2017 na hindi pa tapos ang kanyang kontrata.

Dahil sa entry of judgement sa kaso na may petsang August 14, 2019, tapos na ang kaso, sabi ng Philab Holdings.

Kasalukuyang ina­abot ng kompanya si Tee sakaling pumayag siya sa ibang pamaraan ng kabayaran. (Eileen Mencias)