Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PhilHealth bigyan pa ng tsansa – Gierran

0 85

Hinimok ni Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) president at chief executive officer Dante Gierran ang publiko na bigyan pa ng pagkakataon at suportahan ang ahensya sa kabila ng mga kontrobersiyang kinasangkutan nito.

Inihayag ito ni Gierran sa panayam sa radyo nitong Sabado kung saan kanyang inilahad ang labis na galit sa mga kurakot umano sa PhilHealth.

“Magtiwala tayo sa Philhealth, give it a chance at suportahan natin. Kung ano man ang naiisip niyo, kalimutan muna,” ani Gierran.

Hinggil sa korapsyon sa PhilHealth, sinabi ni Gierran na, “Dito talaga ako nagagalit. Pera kasi ng tao `yan. Dalawang beses tayong ninakawan ng mga animal diyan – pondo at ibinayad nating buwis,” aniya pa.

Magkakaroon umano ng balasahan sa ahensya kung saan tatamaan ang mga regional vice president.

“Ang familiarity kasi breeds corruption. Maraming sangkot sa mafia. Hindi lang `yan sa mga ospital kundi mismong sa loob ng PhilHealth,” ani Gierran.

Sinabi pa ni Gierran na ang mungkahi umano ng National Bureau of Investigation (NBI) ay magsagawa ng lifestyle check sa mga opisyal ng PhilHealth subalit aminado ito na matatagalan pa ito at kakailanganin din nila ng maraming tauhan para isagawa ito.

Una nang ibinunyag ni Senate President Vicente `Tito’ Sotto III na pinag-iisipan umano ni Pangulong Rodrigo Duterte kung lulusawin na lamang o isasapribado ang PhilHealth.

Leave A Reply

Your email address will not be published.