Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PhilHealth, Cebu hospital tandem sa modus

0 286

Ni Nancy Carvajal

Walong personnel ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at apat na kawani ng isang ospital sa Cebu City ang sinampahan ng mga kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa nagsabwatan umano para dayain ang state insurer gamit ang “upcasing” modus.

Base sa isinampang kaso ng NBI sa Office of the Ombudsman, dawit umano sa “patently devious and forthright case of upcasing” ang mga kinasuhang opisyal at kawani ng PhilHealth sa Cebu City at Perpetual Succour Hospital.

Ayon kay NBI Director Eric Distor, ang “upcasing” ng mga kasong medical ang nakita nilang laganap na paraan ng mga health facility kung saan kasabwat ang ilang kawani ng PhilHealth para dayain ang ahensya.

Ang “upcasing” ay isang pamamaraan kung saan dinideklara umano na mas malala ang sakit o kumplikado para mas malaki ang mare-reimburse sa PhilHealth.

Nakasaad sa report ng NBI Region 7 team sa Ombudsman na sa kabila ng negatibong COVID test result ng isang pasyente ay naghahain ng fraudulent claim ang ospital para maka-reimburse sa PhilHealth ng halagang P333,519 para sa COVID-19 severe pneumonia package.

Sampung beses umanong mas mataas ang naturang halaga sa dapat bayaran sa ospital at mabilis ding inaaprubahan at inilalabas ng PhilHealth.

“A review done on the attachments would have led to PhilHealth’s discovery that the patient’s illness falls only under its Updated Medical Case Rate Package for Pneumonia- High Risk for P32,000 only,” report pa ng NBI.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Kinasuhan ng paglabag umano sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Code of Conduct and Ethical Standards of Public Officials and Employees, at malversation of public funds sina Arlan Granali (acting regional vice president), Dr. Francis Javier (HCDMD division chief), Dr. Joan Tiu-Ayuson (Benefits Administration Section chief), Josette Bacalso (Fiscal Controller), Dr. Reginal Mangubat (Benefits Administration officer), Anecito Ramas Jr. (Social Insurance Officer), Anthonneette Lerios Maamo (Benefits Administration clerk), at Kenneth Aguilar Donalvo (Social Insurance Assistant).

Kasamang kinasuhan ng `conspiracy to commit fraud’ sina Sr. Brenda Monares, Succour Hospital Management manager; Gladys Sarmiento; Jayanne Aranas at Gina Misagal.

Perpetual Succour, PhilHealth-7

tinanggi paratang

Itinanggi ng Perpetual Succour Hospital Inc. (PSHI) ang mga alegasyon na ilan umano sa kanilang mga kawani ay sangkot sa iligal na aktibidad sa PhilHealth.

Sa pahayag ng PSHI na nilagdaan ng legal officer na si Jose Ray Bael, tiniyak ng ospital na walang iregularidad sa pagpoproseso ng claim ng isang pasyente at sinabing batay ito sa medical diagnosis ng mga doktor.

“The claim was supported by medical records submitted to PhilHealth and passed scrutiny and applicable criteria set by PhilHealth circulars and guidelines,” sab ng PHSI.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi naman ng PhilHealth-7 na walang nilabag ang kanilang mga opisyal na anumang polisiya sa pagproseso ng COVID-19 claim ng pasyente.

Sabi ng PHSI, maghahain sila ng factual at legal counter-statement sa Ombudsman para patunayang inosente at walang pandaraya sa pagsusumite nila ng PhilHealth claim para sa hindi pinangalanang pasyente. (PNA)

Leave A Reply

Your email address will not be published.