Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PhilHealth COVID package ampaw!

0 40

Kinastigo ni Senador Nancy Binay ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil sa tila panloloko nito sa kanilang mga miyembro hinggil sa home treatment package para mga nagpositibo sa COVID-19.

Ayon kay Binay, ang mga pasyente na ayaw manatili sa community isolation unit o health facility ay mas ginustong mag-home quarantine na lang.

Sinubukan nilang kumuha ng COVID-19 Home Isolation Benefit Package (CHIBP) ng PhilHealth subalit nadiskubreng anim lang ang accredited na provider sa bansa at wala nito sa National Capital Region.

“Parang paulit-ulit na lang itong lokohan. Kawawa na naman ang mga kababayan nating umasa na may ganitong tulong, na hindi naman pala talaga nila mapapakinabangan,” sabi ni Binay.

“`Wag na sanang paasahin ang mga tao sa wala. May sakit na nga, pakiramdam mo pa eh parang na-scam. Halos one year na itong pino-promote, pero ampaw pala,” sabi pa ni Binay.

Isinusulong ng PhilHealth ang CHIBP sapul pa noong Agosto 2021 para sa mga miyembro na nagpositibo sa COVID subalit mas gustong tumanggap ng health support sa kanilang mga tahanan na lamang.

Sabi ni Binay, dapat available ang CHIBP sa mga pasyenteng nakapasa sa parehong clinical at social criteria sa mga lugar na idineklara ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) na mataas ang kaso ng virus.

“Everything should have already been in place prior to its launching last year, otherwise, parang malaking PR stunt lang ang Home Isolation Benefit Package para lang masabing may programang ginagawa ang PhilHealth para sa members,” ani Binay.

Ayon pa kay Binay, halos isang taon na pero walang nakakaalam kung ano ang proseso para ma-avail ang package.

“May mga kaibigan kami at kakilala na tinamaan ng COVID na nahihirapang lumabas para magpa-ospital, kaya gusto nilang mag-avail ng home treatment package. Nakaka-dismaya dahil `di naman pala ito available,” sabi ng mambabatas.

“Ang tanong: Why advertise and promote something which is not available in the first place? It’s grossly misleading, unreliable and openly irresponsible. It’s an institutional fail,” diin pa ni Binay. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.