Abante Tonite Interactive

PhilHealth mafia pinangalanan sa Senado

453

Ibinunyag kahapon sa Senado ng isang dating board member ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pitong opisyal ng ahensiya na diumano’y bahagi ng ‘mafia’ o sindikato dito.

“‘Yung ‘mafia,’ is a closed group of people in a particular field having control of all influence,” pahayag ni dating PhilHealth board member Roberto Salvador sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.

Ayon kay Salvador, kara­mihan umano sa kanila ay nanatili pa rin sa posisyon sa loob ng 20 taon.

“Hindi ko sinasabi na meron silang case ng extortion, they have influence, ang ginagawa nila, sinisira nila ang present administration kung gagalawin sila,” sabi ni Salvador.

Tinukoy nito ang mga ka­sapi umano ng mafia na sina:
*Paolo Johan Perez, Regional Vice President (RVP) ng PhilHealth Regional Office 4B

*Khaliquzzaman Macabato, RVP ng PhilHealth Regional Office ARMM
*Valerie Anne Hollero, Assistant Corporate Secretary
*Dennis Adre, RVP ng PhilHealth Regional Office XII
*Masiding Alonto Jr., RVP of PhilHealth Regional Office Region X
*Jelbert Galicto, RVP ng PhilHealth Regional Office CARAGA
*William Chavez, RVP ng PhilHealth Regional Office Region VI
Pinagpaliwanag naman ni Senador Richard Gordon, chairman ng komite ang mga inakusahan ni Salvador.

Giit ni Hollero, binansagan silang mafia dahil sila diumano ang tumestigo sa pagdinig sa Kamara noong 2017 hinggil sa mga fraudu­lent activity sa PhilHealth.

Samantala, sinabi naman ni Senador Sonny Angara na malinaw na ‘pinakialaman’ ng mga tiwaling indibid­wal ang milyon-milyong pondo ng PhilHealth na nagresulta sa pagkakawaldas ng sana’y budget para sa mga panga­ngailangang medikal ng mamamayang may malulubhang karamdaman.

Sa ginawang pagdinig, napatunayang hindi na bago ang anomalyang ito kundi matagal nang nangyayari sa loob ng institusyon.

“Lumalabas na sila-sila lamang ang nakikinabang sa ‘claims’ na nakapangalan sa isang pekeng pasyente o kaya naman sa mga pasyenteng pumanaw na,” sabi ni Angara. (Dindo Matining)