Abante Tonite Interactive

PhilHealth maglalabas ng bagong guideline sa mga COVID patient

559

Sasagutin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) hanggang Abril 14 ang pagpapagamot ng mga pasyente na may coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sinabi ni Dr. Shirley Domingo, vice president ng PhilHealth Corporate Affairs Group, nagtakda sila ng deadline sa pagbalikat sa gastusin dahil sa malawak at malubhang sakop ng COVID-19 at dahil wala pa ring umiiral na case rate o package base sa protocol.

“Philhealth is confident that by the above-mentioned date, more about the behavior of the disease in the Philippine can be learned, a final protocol established and an appropriate case rate developed that will provide adequacy and sustainability to the anti-COVID-19 campaign,” ayon kay Domingo.

Tiniyak naman ng Philhealth sa sambayanang Pilipino na mag-iisyu sila ng bagong guideline na kasama na ang case rate at protocol.

Makakaasa umano ang mamamayan na tutuparin ng Philhealth ang kanilang mandato sa ilalim ng Universal Health Care Law na pagkalooban ng sapat na health service ang lahat ng bawat Pilipino.

Nabatid na ang pasyente na inoobserbahan dahil sa COVID-19 ay mayroong P14,000 benefit sa ilalim ng isolation package.

Habang ang mga ini-refer ng mga ospital ay nasa referral package na pagkakalooban ng tulong na P4,000; P15,000 sa dumanas ng moderate pneumonia dahil sa COVID-19; at P32,000 para sa mga may sever pneumonia.

Sakop din ng package ang mga na-admit sa ospital simula noong Enero 31. (Julie de Loza-Cudia)

Tonite – Wendys Inhouse Ad