Abante Tonite
Mabilis sa Balita

PhilHealth `wag paasa sa mga ospital

0 311

Kinakalampag na sa Senado ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para madaliin ang pagbabayad sa mga public at private hospital.

Ayon kay Senador Grace Poe, kailangang matugunan ng PhilHealth ang lahat ng hospital claims na hindi nabayaran gayundin ang tinatawag na return-to-hospital (RTH) claims.

Batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) sa Philippine Children’s Medical Center (PCMC), lumalabas na nasa 1,641 claims o mahigit P22.98 milyon pa ang hindi nababayaran ng PhilHealth nitong Setyembre 20, 2020 habang ang RTH claims naman ay P11.60 milyon na kumakatawan sa 683 claims.

Nakapaloob din sa ulat na ang mga RTC claim ay ibinabalik sa mga ospital ng PhilHealth dahil sa kakulangan ng ilang requirement.

Noong 2019, hindi binayaran ng PhilHealth ang 1,595 claim sa PCMC na nagkakahalaga ng P15.31 milyon.

Ayon pa sa COA report, sinabi ng PCMC na mahigit sa 126% ang tinanggihang bayaran ng PhilHealth mula 2019 hanggang katapusan ng Setyembre 2020 na nagresulta sa pagkalugi ng ospital ng P34.59 milyon.

Para sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI), hindi rin binayaran ng PhilHealth ang 2,387 claims na nagkakahalaga ng P30.31 milyon at RTH claims na umabot sa 15,601 at nagkakahalaga naman ng P122.81 milyon.

Bukod diyan, hindi pa rin nababayaran ng PhilHealth ang 2,432 claims ng Philippine Heart Center na nagkakahalaga ng P38.92 milyon at RTH claims na 1,475 na P32.25 milyon ang halaga.

Sabi ni Poe, ang mga nabanggit ay utang pa lamang ng PhilHealth sa tatlong ospital ng gobyerno at hindi pa kasama ang kaparehong reklamo ng mga pribadong pagamutan.

“Hindi tama na hindi binabayaran ang mga ospital at hindi makatarungang pabalik-balikin ang mga tauhan nila na umaasang makakakolekta. Ang mga ospital at mga medical frontliner ang magtatawid sa atin sa pandemyang ito. Dapat bayaran na sila ng PhilHealth,” ayon pa kay Poe. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.