Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Philreca sumaklolo sa Albay

0 287

Pinasalamatan ni Albay 2nd district Rep. Joey Salceda ang walang kapagurang pagsisikap ng mga ‘electric linemen’ mula sa 11 ‘electric cooperatives’ na ipinada ng Philippine Rural Electrification Associations, Inc. (Philreca) Partylist upang makumpuni ang mga nasirang pasilidad ng kuryente sa buong Albay.

Sinalanta ni Super Typhoon Rolly ang Albay at karatig nitong mga lugar at sinira ang mga bahay at maraming imprastraktura sa lalawigan, kasama ang mga linya ng kuryente, na ayon sa mga awtoridad ay aabutin ng apat hanggang anim na buwan para maisaayos.

Binubuo ng 97 ‘linemen’ ang Philreca mula sa DORELCO, LEYECO II, III, IV, V, BILECO, at SOLECO mula sa Leyte, at ESAMELCO, SAMELCO I, SAMELCO II, at NORSAMELCO naman mula sa Samar.

“Pinasasalamatan namin ang naturang mga pangkat na nangakong mananatili sila sa Albay ng isang buwan para maibalik ang kuryente sa aming lalawigan, lalo na sa mga prayoridad na pasilidad ng pamahalaan, pang-kalusugan at kumersiyo o negosyo. Ang kuryente sa lalawigan ay pinangangasiwaan ng Albay Power Electric Corporation, na lubhang abala ngayon,”ayon kay Salceda.

Mayroong tatlong distrito ang Albay kung saan ay kinakatawan ni Salceda ang ikalawang distrito na binubuo ng Legazpi City ‘regional center’ ng Bicol, at mga bayan ng Daraga, Camalig, Manito, at Rapu-Rapu na isang isla.

SM food to go Banner Ad

“Hindi ko alam kung paano tayo magkakaroon ng ‘Maligayang Pasko’ sa kalagayan natin ngayon, ngunit ang mahalaga ay ang mga pagsisikap nating maibalik sa normal ang bayan natin. Kaagad kaming kumilos pagkatapos kumulma ang bagyo,” pahayag ni Salceda sa isang panayam sa radyo.

Ang magandang balita ay nakauwi na ang karamihan sa kanilang mga tahanan mula sa mga nasa ‘evacuation centers’ ngunit nagbabala ang mambabatas kaugnay sa bagyong Ulyses na sa Bicol na naman diumano dadaan.

“Buong puso akong nagpapasalamat kay Philreca Partylist Cong. Presley de Jesus sa tulong niya sa pagbuo ng mga pangkat at agarang pagpadala sa Albay,” dagdag ni Salceda. Ang tanggapan niya sa lalawigan ang sumagot sa pagkain at iba pang mga pangangailangan ng mga Philreca teams sa ilalim ng programang #DaDCares niya.

Muling nanawagan si Salceda ng tulong at suporta para sa kanyang distrito kung saan tinatayang aabot sa P2.1 bilyon ang halaga ng mga imprastrakturang sinira ni Super Typhoon Rolly.

Para sa mga pangakong ayuda, makipag-ugnay lamang kina: Atty Carol Sabio, 0917 253 8813: Justin Jay Bolanos, 09175788215 / 0923 729 3443; Zaldy Santillan, 0925 852 4174. Para naman sa mga nais magkaloob ng salaping tulong, maaari silang magdeposito sila sa: TAYO, Inc Metrobank Team Albay Youth Organizations, Inc., 595-7-59500460-4; GCASH Cathlea E. Madrona, 09561633980; at Palawan Express, Asher Jade T. Azul 09065910447.

Leave A Reply

Your email address will not be published.