Abante Tonite Interactive

PHL Dragon Boat squad nanggulat sa Moscow

124

Sorpresang sumagwan ang 29-player Philippine Dragon Boat Team ng Philippine Canoe Kayak Federation ng two gold, 1 silver at 2 bronze medals sa International Canoe Federation World Dragon Boat Championships nu’ng Setyembre 8-11 sa Moscow, Russia.

Nabuo sa delegasyon sina paddlers Diomedes Manalo, Norwell Cajes, Chiva Angela Abanilla, Apple Jane Abitona, Raquel Almencion, Rossel Burgos, Patricia Ann Bustamante, She­ryl Caang, Maribet Caranto, Rosalyn Esguerra, Glaiza Liwag, Ella Fe Niuda, Rhea Roa, Kim Gabriel Borromeo, Jordan de Guia, John Lester delos Santos, Fernan Dungan, Franc Feliciano, Ojay Fuentes, Alex Generalo, Hermie Macaranas, Oliver Manaig, Roger Kenneth Masbate, Reymart Nevado, Daniel Ortega, Lee Robin Santos, John Paul Selencio, Jerome Solis at Christian Urso, PCKF president Jonne Go at national coach Leonora ‘Lenlen’ Escollante.

Kinampay ng national paddlers ang second gold sa 10-seater Junior Mixed 200-meter sa fas­test clocking 00:50.853 seconds para gulatin ang host Russia na silver sa 00:52.493) at Canada na bronze sa 00:53.654.

Nasisid ng mga Pinoy ang buena-manong gold sa unang araw ng kumpetisyon sa pagprimera sa 20-seater Senior Mixed 500m laban sa limang matitinding karibal. Naorasan ang PHL team ng 01:55.992 laban sa Russians (01:56.075) at Thailand (01:56.546).

“Malakas talaga tayo sa sprints and middle distance, pero malaki pa din ang pwede nating i-improve,” text message kahapon ng umaga ni Escollante.

Sumegunda pa ang Nationals (2:11.839) sa 10-seater Jr. Mixed 500m sa paghinga sa batok ng Russians (02:10.508). Tersera ang ang Ukrainians (2:13.428). Pumangatlo ang Pinoys sa 10-seater Sr. Mixed 200m sa 00:50.358 sa likod ng Russia (00:49.816) at Thailand (00:50.024), at sa 10-sea­ter Sr. Mixed 500m (2:09.854) sa pagbuntot sa Russia (2:07.471) at Thais (2:08.761).