Abante Tonite Interactive

Phoenix sinunog ni Lee, Magnolia

308

Itinulak ng Magnolia Hotshots sa tatlong sunod na panalo ang kanilang ratsada kasunod ng 99-96 pananalasa laban sa Phoenix Pulse Fuel Masters sa second game kagabi ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Cuneta Astrodome.

Pinangunahan ni Paul Lee ang Hotshots sa pagtatala ng 27 puntos, 7 assists at tig-isang rebound at steal habang nagdagdag si import James Farr ng 26 puntos, 18 rebounds, 2 steals at 3 blocks.

Umangat ang Hotshots sa ikalimang puwesto sa kabuuang tatlong panalo at dalawang talo.

Itinala ng Hotshots ang pinakamalaki nitong 11 puntos na abante mula sa isang nakumpletong 3-point play ni Rodney Brondial sa natitirang 3:24 ng ikaapat na yugto sa 90-79 upang sandigan niton sa krusyal na huling minuto.

Isang lay-up ni Matthew Wright ang huling nag-lapit sa Fuel Masters sa anim na puntos na lamang sa natitirang 39.9 segundo ng laro sa 88-94.

Gayunman, agad itong binawi ni Paul Lee na ipinasok ang dalawang free throws upang ibalik ang 96-88 abante sa Hotshots at tungo na sa ikatlong panalo ng Magnolia sa loob ng limang laro. (Lito Oredo)